HINDI pa man nareresolba ang pamamaril kay Atty. (Melvin) Tan, Rey Defuntorum at pamamaslang kay Eudes Nerpio ay isa na namang kawani ang inutas ang buhay, si Gil Manlapaz, IT Site Supervisor, na nakatalaga sa MISTG sa South Harbor (Port of Manila).
Hanggang ngayon ay wala pa ring update mula sa mga nag-iimbestiga sa krimen kung sino ang utak sa karumal dumal na gawaing ito; wala pa ring linaw kung ano ang motibo ng mga taong gumagawa nito sa mga kawani ng BOC.
Bagaman nakuhanan naman ng CCTV ang gunman ay hindi pa din sapat ito upang malaman ang pagkakakilanlan sa taong nakamotor na kumikitil ng buhay ng ating mga kasamahan sa BOC.
Ang pamunuan ng BOCEA (BOC Employees Association) ay nananawagan sa lahat ng mga kawani sa buong Pilipinas na mag black armband wearing o kaya ay magsuot ng itim simula ika-14 ng Pebrero 2022, upang ipakita ang ating nagkakaisang pagkondena sa karumal dumal na gawaing ito.
Ipapagpatuloy natin ang pagsusuot ng simbulong itim hangga’t hindi nareresolba ng kinauukulan ang mga kaso ng pamamaril at pamamaslang sa ating mga kasamahan.
Ito na ang tamang panahon upang tayo ay manindigan laban sa taong pumapatay sa ating mga kawani ng BOC at atin ding ipinahahayag na ang mga pangyayaring ito ay isang hamon sa liderato ni Komisyoner Rey Leonardo Guerrero.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi natin siya nakakitaan ng pag-aalala sa kanyang mga tauhan at walang konkretong hakbang at matinding pahayag para man lang maprotektahan ang mga kawani sa ahensiya kanyang pinamumunuan.
Alam naman nating hindi sapat ang P300,000 pabuya (ng BOC management) para maituro o makapagbigay ng impormasyon sa pagkakilanlan ng gunman na syang kumitil na ng buhay at nagdilig ng dugo sa ahensya ng BOC.
Ang BOCEA ay nananawagan kay Komisyoner Guerrero na kumilos at ipakita ang pagiging ama nya sa mga kawani ng BOC.
Bilang dating sundalo ay may sapat syang kakayahan sa intelligence gathering at counter-terrorism at inaasahan ng mga kawani na gawin niya sana ang lahat upang magkaroon ng mukha ang salarin at kung sino mang utak sa likod nito.
Hulihin nya ang may sala at sampahan ng kaukulang kaso sa korte upang mapanagot at mabigyan ng hustisya ang mga kasamahan nating nautas ang buhay.
Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng mga kawani ng BOC!
Hulihin ang salarin at papanagutin!
Mabuhay ang mga kawani ng BOC!
Magkaisa tayong labanan ang mga kriminal na ito!