SA halip na makuntento sa pakikiramay at alay na dasal, mistulang hinikayat din ng isang mataas na opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) ang lahat ng mga empleyado at iba pang opisyales ng ahensiya na magbigay ng abuloy na salapi para kay PPA OIC/General Manager Francisquiel Mancile dahil sa magkasunod na pagpanaw ng kanyang mga magulang.
Sa ipinalabas na memorandum na may petsang Setyembre 5, 2022, itinalaga ang Technical Assistant ng PPA na si Elaine Paredes para tumanggap ng perang donasyon bilang abuloy sa pumanaw na mga magulang ni Mancile.
“Those who wish to extend their financial assistance to the bereaved family may send them thru Ms. Elaine Paredes,” ayon sa memorandum sa lahat ng sangay ng PPA na pinirmahan ni PPA Assistant General Manager Carlito Castillo.
Nakalagay din sa nasabing kalatas ang personal na ‘GCash number’ ni Paredes kung saan puwedeng ipadala ang perang donasyon para kay Mancile.
Ayon pa sa memo ni Castillo, pumanaw noong Agosto 27, 2022 ang ama ni Mancile na sinundan naman ng kanyang ina noong Setyembre 3, 2022.
Itinalaga si Paredes ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for the Maritime Sector Elmer Francisco Sarmiento bilang Technical Assistant sa Office of the Assistant General Manager for Operations at “official focal person” para sa mga usaping pang-PPA noong Agosto 15, 2022.