Serbisyo ng ‘Malasakit Center’ para sa lahat—SBG

HINIMOK ni Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher ‘Bong’ Go ang publiko na gamitin ang serbisyo ng mga Malasakit Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Go, isa nang ganap na batas ang Malasakit Center Act of 2019 kaya kasama na ito  sa pinopondohan ng  gobyerno kada buwan kaya nakatitiyak na hindi ito basta mauubusan ng pondo.

Aniya pa, ang mga Malasakit Center ay para sa lahat ng  Pilipino kung saan walang kinikilalang idelohiya, relihiyon o ano mang partido at samahan.

Binigyang diin ni Go na basta Pilipino, kuwalipikadong  lumapit sa mga Malasakit Center at target nito ay ‘zero balance’ sa mamamayang magpapagamot sa mga government controlled hospital na mayroong Malasakit Center.

Ipinaliwanag pa ni Go na hindi na mahihirapan ang mga pasyente na makahingi ng  tulong medikal dahil pinagsama-sama na sa iisang tanggapan ang mga kinatawan ng mga ahensiyang tumutulong tulad ng DOH, DSWD, PhilHealth at PCSO.

Matatandaan na dahil  sa pagsusulong ni Go ng Malasakit Center na nagsimula sa Davao city, mayroon nang  111 na sangay nito sa iba’t ibang  bahagi ng bansa.

Inaasahan din na pangungunahan ni Go ang pagpapasinaya ngayong Martes, Mayo 18, 2021, nang ika-112 Malasakit Center sa lalawigan ng Bataan.

Comments (0)
Add Comment