Sulu–Patay ang dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) habang sugatan ang dalawa pa makaraang paulanan ng bala ng baril ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang kanilang istasyon kagabi.
Kinilala ang mga namatay na sina Pat. Arjun Putalan at P/Cpl. Mudar Salamat habang ginagamot sa ospital sina PEMS Hamid Saribbon at PSMS Harold Nieva.
Batay sa report ng BARMM Police, dakong 6:30 p.m. nang maganap ang insidente sa Parang Municipal Police Station.
Ayon sa pulisya, biglang pinaulanan ng bala ng baril ng mga armadong grupo ang himpilan ng mga pulis.
Nakaganti naman ng putok ang mga pulis at rumesponde rin ang militar, Sulu Police at Special Action Force (SAF) kaya nagkaroon ng ilang minutong engkuwentro na ikinamatay ng dalawang pulis.
Isinusulat ito, patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya at militar laban sa Abu Sayyaf na nakatakas matapos ang pagsalakay.
Pinaigting na ng BARMM Regional Police Office ang seguridad at pag-alerto sa mga istasyon ng pulisya upang maiwasan ang mga pag-atake.