NAMATAY sa engkuwentro sa Brooks Point, Palawan, ang panganay na anak na babae ni dating Communist Party of the Philippines (CPP) spokesman, Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal.
Sa ulat ng Sandatahang Lakas (AFP), napatay si Andrea ‘Ka Naya’ Rosal, tatlo pang mga rebelde at isang kasapi ng 3RD Marine Marine Brigade, matapos ang may higit 8-minutong sagupaan noong Huwebes, Setyembre 3, 2020.
Bukod kay Rosal, napatay din sa labanan sina Bonifacio ‘Salvador Luminoso’ Magramo, lider ng ‘Communist Party of the Philippines – New People’s Army’ (CPP-NPA) sa Palawan at kasapi ng liderato ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC), Noel ‘Ka Celnon’ Siasico, NPA platoon leader at, Ronajane ‘RJ/Lemon’ Manalo, dating lider ng GABRIELA, na isa sa mga hinihinalang ‘front organization’ ng CPP-NPA.
Kinilala naman ang napaslang na sundalo na si Staff Sergeant Cesar Barlas, team leader, Force Recon Group, 3RD Marine Brigade na isa ring Palaweno at beterano ng digmaan sa Marawi City.
Ayon pa sa militar, ang grupo ni Magramo at Rosal ay pawang matatas na lider ng Bienvenido Vallever Command na may hurisdiksyon sa isla ng Palawan.
Si Andrea, na noon ay 7-buwan buntis, ay nahuli noong Marso 27, 2014, sa isang bahay sa Bagong Silang, Caloocan City at ikinulong sa kasong ‘murder’ at ‘kidnapping.’
Isinilang niya sa kulungan ang kanyang panganay na anak, isa ring babae, subalit namatay ito pagkaraan ng dalawang araw.
Ibinasura naman ng korte sa Pasig City at Mauban, Quezon, ang mga kasong kay Andrea at lumaya siya noong Setyembre 7, 2015.
Si Andrea ay lumaki sa Bgy. San Antonio, Kalayaan, Laguna at anak ni Ka Roger kay Rosemarie Domanais.
Si Domanais, na kilala rin bilang si ‘Ka Intsa,’ ay dating kalihim ng kilusang komunista sa Laguna.
Napatay si Domanais sa isang engkuwentro sa Gumaca, Quezon, noong unang bahagi ng 2011, matapos makasagupa ng mga tropa ng 201st Brigade sa ilalim ni noon ay Phil. Army colonel, Eduardo M. Año.
Ilang buwan, pagkaraan, noong Hunyo 22, 2011, napabalitang namatay na rin si Ka Roger dahil umano sa karamdaman subalit itinago ng CPP-NPA ang kanyang bangkay at wala na ring impormasyon sa tunay na dahilan ng kanyang pagpanaw o kung saan siya nailibing.
Sa kanyang kapanahunan, si Ka Roger ang nagsilbing “mukha” ng kilusang komunista sa Pilipinas bilang pinuno ng CPP Information Bureau at malapit sa lahat ng kasapi ng media. Pinalitan siya sa posisyon ni George ‘Ka Oris’ Madlos na nakabase sa Mindanao.
May isa pang anak na babae si Ka Roger na nag-aral pa sa University of Sto. Tomas (UST) subalit walang impormasyon sa kanyang kinaroroonan o naging estado sa buhay.
Ang mga Rosal ay tubong Ibaan, Batangas.