CIDG hinamon na ilabas ang pruweba sa ‘pag-aresto’ kay Cam

HINAMON ng pamilya Yuson ang Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (CIDG-PNP) na “ilabas” ang “pruweba” sa ginawa nitong pag-aresto kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) director at ngayon ay murder suspect, Sandra Cam.

“Kung totoo ang kanilang sinasabi, bakit wala silang mailabas na pruweba,” ang tanong sa media ni Mayor Charmax Yuson ng Batuan, Masbate. Sa partikular, hinamon ng kanilang pamilya na ilabas ni CIDG director, P/MGen. Albert Ignatius Ferro, ang “pag-aresto” ng CIDG kay Marco Martin, ang anak na lalaki ni Cam.

Bukod sa mag-ina, lima pang ibang suspek ang tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa planadong pagpatay sa ama ni Mayor Charmax na si Charlie Yuson III sa Sampaloc, Maynila noong Oktubre 9, 2019.

Bukod sa mga Cam, sabit din sa pamamaslang sina Nelson Reformoso Cambaya, konsehal ng Batuan at ang mga itinurong gunmen na sina  Junel Reyes “Bunso” Gomez; Bradford Fuerte Solis; Juanito Bustamante de Luna; at, Rigor Magallanes Dela Cruz.

Ang mga Yuson ay mahigpit na kalaban sa pulitika sa Batuan ng pamilya ni Cam.

Noong Abril 26, 2021, naglabas na ng ‘warrant of arrest’ laban sa mga suspek si Manila Regional Trial Court Branch 42 presiding judge, Hon. Dinnah Aguila-Topacio.

Sa pahayag naman ni Ferro noong Abril 29, 2021, sinabi ng opisyal na “sumuko” si Cam sa Calabarzon PNP subalit ‘under hospital arrest’ sa De Lasalle University Medical Hospital sa Dasmariñas City, Cavite, dahil sa karamdaman.

Sinabi pa sa ilang ulat na “naunang sumuko” si Marco Martin sa mga awtoridad subalit katulad kay Cam, walang inilabas na pruweba ang CIDG.

Ayon pa sa pamilya Yuson, may “hawak” silang “impormasyon” na “peke” at “press release” lang ang anunsiyo ng CIDG sa pag-aresto kay Marco Martin dahil patuloy pa rin itong nakalalaya.

Wala pa rin umanong ginagawang aksyon ang CIDG upang arestuhin ang iba pang mga suspek.

Kasama umano ngayon ng nakababatang Cam ang ‘private armed group’ (PAG) ng kanilang pamilya sa Masbate na kinabibilangan hindi lang ng mga elementong kriminal, bagkus, kahit mga dating terorista mula sa hanay ng New People’s Army (NPA).

Bagaman “pakalat-kalat” lang umano sa Masbate ang mga tauhan ni Cam, wala umanong ginagawang aksyon ang CIDG upang mahuli ang mga ito na karamihan ay may mga ‘pending warrant of arrest.’

Hindi na rin umano nagtataka ang mga Yuson sa pagwawalang bahala ng CIDG dahil minsan na itong “nagpagamit” sa mga Cam ng magsagawa ng isang pekeng raid sa kanilang ‘beach resort’ sa Batuan noong Pebrero 2019, kung saan samut-saring baril at pampasabog ang umano’y nakumpiska ng CIDG.

Ang bintang ay ibinasura naman ng Masbate Regional Trial Court noong Hunyo 2020, matapos mabistong “namalengke’ (forum shopping) ang CIDG upang makakuha ng search warrant laban sa mga Yuson.

Umapela na rin ang pamilya Yuson sa militar sa katauhan ni Southern Luzon (Solcom) commanding general, Lt. General Antonio Parlade Jr., subalit wala ring ginawang aksyon ang nasabing opisyal.

Comments (0)
Add Comment