DA muling kinastigo ni Sen. Marcos

Importasyon lang ang alam na solusyon sa problema ng mga magsasaka
AYAW pa ring tantanan ni Sen. Imee Marcos ang Department of Agriculture na aniya ay “mabagal” sa paglalabas ng pondo mula sa ‘Bayanihan 2’ para tulungan ang sektor ng agrikultura at ang pangunahing solusyon sa kakulangan ng suplay ng pagkain ay ang mag-angkat mula sa labas ng bansa.

Sa panayam ng media noon Pebrero 7, 2021, pinansin ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang DA ang nabigyan ng pinakamalaking pondo—P24 bilyon—sa ilalim ng ‘Bayanihan 2’ nang maipasa ng Kongreso ang batas noong buwan ng Agosto 2020, subalit hanggang ngayon ay 25 porsyento pa lang ang nalaman ng Senado na nailabas at naipamahagi sa mga magsasaka ng tanggapan ni Sec. William Dar.

“Sa Bayanihan 2, P24 bilyon ang inilagay natin (Senado) lahat dun para makatulong sa magsasaka at siguraduhin na may pagkain sa NCR, sa Metro Cebu, sa Davao kung saan malalaki ang populasyon at kung saan ayaw natin na magkalat yung pandemya.

“Eh, ang problema, ang bagal bagal nga gastusin (ang pondo), pambihira,” anang mambabatas.

Mariin ding binatikos ni Marcos ang “solusyon” ni Dar na daanin na lang sa importasyon ang krisis sa suplay ng pagkain sa bansa, partikular sa karneng baboy at manok na aniya ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Matagal ko nang sinasabi na magtataasan ang presyo ng lahat ng pagkain, noong isang taon pa.

“Ang hindi ko maintidihan kung bakit yung DA hindi naman tinutukan yung problema.

“Alam na natin na magkakaproblema, pambihira naman,  ngayon ang sasabihin na naman importasyon,” ani Marcos.

Sa “solusyon” ni Dar na daanin na lang sa importasyon ang problema sa suplay ng pagkain sa bansa, nararapat na rin umanong palitan na lang ang pangalan nito sa ‘Department of Importation.’

“Wala na silang solusyon sa anumang problema kundi mag-angkat ng mag-angkat sa labas (ng bansa),” ang patutsada pa ni Marcos.

Bago pa man ang ginanap na pagdinig ng Senado noong nakaraang Pebrero 1, 2021, nagbabala na rin si Marcos na mas malaking pinsala pa ang dadalhin sa sektor ng agrikultura sa polisiyang importasyon ng DA, kumpara sa problema ng pananalasa ng ‘ASF’ (African Swine Fever) na nagresulta na sa pagkaubos ng suplay ng karneng baboy sa buong Luzon at patuloy na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa P440 bawat kilo ang presyo ng karneng baboy sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa pagtaya pa ng ‘Pork Producers Federation of the Philippines’ umabot na sa 5 milyong baboy ang namatay sa bansa sapul nang makapasok sa bansa ang ASF dakong Agosto 2019.

Ayon pa sa samahan, umabot na sa P100 bilyon ang nalugi sa mga ‘hog raisers’ dahil sa perwisyong dinala ng ASF kung saan hindi rin alam umano ni Dar kung paano ito solusyunan hanggang sa ngayon.

Pansin pa ni Marcos, importasyon ang sagot na solusyon ng DA kahit hindi umano alam ng departamento ang laki ng problema sa suplay ng karneng baboy.

Katulad aniya sa suplay ng bigas, pulos importasyon din ang naging solusyon ng bansa samantalang maliit lang naman pala ang kakulangan sa suplay ng bigas.

Sa bigas, import sila ng import, ilang bilyong metriko tonelada.

‘Yun pala, ang shortage dito sa Pilipinas, 3 porsiyento lang; Nubenta’s siyete porsiyento ng (problema sa suplay) ng bigas, kaya (pala) nating itanim.

“At ngayon sa (suplay) ng baboy, ‘ayan na naman. Ilang porsiyento ba talaga ang pupunuin na kulang at mag-aangkat na naman,” tanong pa ni Marcos.

Comments (0)
Add Comment