‘Hybrid election system’ sa 2022 polls—Atty. Glenn Chong

Panukala ilalapit kay Pang. Digong
IMINUNGKAHI ni ‘election system reform lawyer,’ Atty. Glenn Chong, ang paggamit ng ‘hybrid election system’ sa halalan sa 2022 para matuldukan na ang patuloy na dayaan sa tuwing may eleksyon sa bansa, partikular na ang binansagan niyang ‘Comelec-Smartmatic Syndicate.’

Ginawa ni Atty. Chong ang pahayag nang maging panauhing pandangal sa ‘Meet the Press/ Report to the Nation Media Forum’ ng National Press Club noong nakaraang Biyernes, Oktubre 23, 2020.

Ayon kay Chong, ang hybrid election system ay hindi katulad ng ‘automated election’ system ng ‘Smartmatic’ na noturyos sa manipulasyon ng resulta ng mga nakaraang halalan.

Sa kanyang panukalang sistema, “mano-mano” (manual) pa rin ang gagawing pagbila ng boto sa mga presinto at tanging ang ‘transmission’ ng resulta ang gagawing ‘electronic’ o ‘computerized.’

Aniya pa, sa ganitong sistema ay matitigil na pandaraya o mamanipula ang resulta ng bilangan ng boto dahil nabilang na ang mga ito sa presinto pa lamang bagot maipadala ang mga ito sa ‘National Canvassing Center’ sa Maynila, partikular ang resulta para sa mga ‘national positions’ katulad ng Pangulo, Bise-Presidente, mga senador at mga grupong partylist sa Kongreso.

Aniya pa, tatlong ‘Board of Election Inspectors’ (BEI) ang magbabantay sa mga presinto kabilang ang chairperson, poll clerk at member habang binibilang ang mga boto.

Ang mungkahi ni Chong na hybrid election ay kahalintulad din umano ng panukala ni Senate President Vicente Sotto III na inihain sa Kongreso sa ilalim pa ni House Speaker Rep. Alan Peter Cayetano ngunit hindi  ito inaksyunan ng Mababang Kapulungan hanggang sa ngayon.

Si Senator Imee Marcos lamang aniya ang  nagsimulang mag-hearing sa panukala subalit kung walang katulad na panukala mula sa Kongreso, ay wala rin umanong mangyayari sa hybrid  election system bill.

Ayon pa kay Chong, dapat na aniyang gawin ang hybrid election para sa isang malinis, makatotohanan at kapani-paniwalang halalan.

Sinabi pa ni Chong na idudulog niya kay Pang. Duterte ang hybrid election system para sa 2022 upang sertipikahan ng Palasyo bilang ‘urgent and priority bill’ na daan para kumilos na at mag-hearing ang Kongreso.

Binanggit din ng dating kinatawan ng Biliran na hindi na maaaring gamitin ang makina ng Smartmatic sa 2022 dahil posibleng bumagsak na ang mga ito at hindi na tuluyang gagana.

Idiniin ni Chong na ‘good only for two elections’ ang mga makina ng Smartmatic.

Binasagan din niyang “mapanglinlang” (deceptive) ang hybrid election system na ipinipilit ng Comelec dahil gagamit pa rin ito ng mga makina ng Smarmatic sa mga presinto.

Bukod dito, binatikos din ni Chong ang hirit na P30.6 bilyon ng Comelec bilang gastusin sa 2022 elections kung saan ang tanging makikinabang ay ang mga kumpanya sa Taiwan na babayaran para mag-suplay ng mga voting counting machines.

“Sa Smarmatic, walang benepisyo ang ekonomiya ng Pilipinas. Sa hybrid, matutulungan ang mga kababayan at ekonomiya at matitiyak ang clean, honest and credible election,” diin pa ni Chong.

Comments (0)
Add Comment