Isang taon suspensyon nakaamba sa 2 LGUs— Usec. Antiporda

Ngayon lang nangyari: ‘Pinas wala nang ‘open dumpsite!’
KINUMPIRMA ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakatakdang paghahain ng mga kaso sa mga opisyales ng Sta. Ana, Pampanga at Urdaneta City, Pangasinan, dahil sa paglabag sa RA 9003 (Solid Waste Management Act of 2001) kung saan maari silang masuspindi ng isang taon sa kanilang mga puwesto.

Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Mayo 21, 2021, sinabi ni DENR undersecretary for solid waste management, Benny Antiporda na nabalam lang ang paghahain ng reklamo dahil na rin sa pandemya ng Covid-19.

Aniya pa, ang mga nakatakdang kasuhan ay sina Sta. Ana, Pampanga mayor, Norberto Gamboa at Urdaneta City, Pangasinan mayor, Julio Parayno. Kasama rin sa kakasuhan ay ang buong konseho ng Sta. Ana at Urdaneta City.

Batay sa probisyon ng RA 9003, sinabi ni Antiporda na suspensyon na aabot sa isang taon ang kasama sa parusa sa mga LGUs na lumalabag dito.

Sa isinagawang imbestigasyon ng DENR, lumabas na hindi sinunod ng nasabing mga LGUs ang panuntunan sa operasyon ng kanilang mga lokal na ‘sanitary landfill’ at sa halip ay ginawang simpleng tambakan ng mga basura.

Batay sa RA 9003, dapat ay noon pang 2007 naisara ang lahat ng open dumpsite sa bansa o anim na taon matapos itong maging ganap na batas.

Sa kabila nito, pinansin ni Antiporda na hindi naman epektibong naipatupad ang nasabing probisyon, partikular sa hanay ng mga LGUs kung saan nakumpirma ng departamento na tuloy pa rin ang operasyon ng may 300 open dumpsites sa buong bansa.

Ani Antiporda, higit 100 sa mga ito “deklarado” na open dumpsite habang ang iba pa ay nagkukubli sa operasyon ng mga sanitary landfills.

Upang istriktong maipatupad ang batas, isang direktiba ang inilabas ni DENR secretary at dating Armed Forces chief, Roy Cimatu, na nag-aatas sa pagsasara ng lahat ng dumpsite sa buong bansa sa pagtatapos ng buwan ng Marso 2021.

Sa gitna ng talakayan, ibinalita rin ni Antiporda na ganap nang naipatupad ang utos ni Cimatu matapos sumunod sa direktiba si Mayor Sancho Fernando ‘Ando’ Oaminal ng Ozamis City, Misamis Occidental, ang lugar sa bansa na may natitira pang open dumpsite.

Aniya pa, 20 taon matapos maisabatas ang RA 9003 at 14 na taon matapos ang orihinal na ‘deadline’ para sa pagsasara ng mga open dumpsite, ngayon lang nangyari, sa ilalim ng administrasyong Duterte, na ganap na naipatupad ang itinatakda ng nasabing batas.

‘Basura mo, babalik sa iyo’

Nanawagan din si Antiporda sa publiko para sa ‘proper waste disposal’ ng mga facemask at iba pang mga proteksyon upang labanan ang pandemya.

Aniya, hindi dapat “inihahalo” sa ordinaryong basura sa bahay ang mga ‘facemask’ dahil kailangan pa ito ng ‘special treatment’ upang patayin ang Covid-19 virus at bagkus ay dapat ilagay ang mga ito sa bukod na lalagyan at itali bago ilabas ng bahay at mahakot naman ng mga basurero.

“Tandaan natin na ang Covid-19 virus ay hindi lang ‘airborne’ bagkus ‘kumakapit’ din ito sa mga face mask na nagamit na natin.

“Paano kung ‘yung basurero na nakahawak sa facemask ay bumili sa isang tindahan sa inyong komunidad at doon din pala kayo bumibili.

“Ang puwedeng mangyari, nahawa na pala kayo at maging ang mga kasamahan ninyo sa bahay pagbalik ninyo,” paliwanag pa ng DENR official.

Ang basura mo, babalik lang din sa iyo,” muling paalala ni Antiporda.

Comments (0)
Add Comment