MGA kasong kriminal ang inihahanda ngayon ng pamahalaan laban sa grupong ‘Karapatan’ dahil sa paglabag sa RA 9851 at RA 11479 habang kasong ‘libel’ naman ang bukod na kasong isasampa laban sa kalihim nito na si Cristina Palabay.
Sa panayam ng Pinoy Exposé kay Southern Luzon (Solcom) area commander, Lt. General Antonio ‘Jun’ Parlade, inaasahan niyang maisasampa ngayong linggo ang personal niyang reklamo na libel (paninirang-puri na walang batayan) laban kay Palabay.
Kumakalap na rin aniya ng sapat na mga ebidensiya at testimonya ang ‘LCC’ (legal cluster committee) ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) at ang militar para sa bukod na kaso laban sa buong organisasyon.
Batay umano sa mga nauna nang testimonya ng mga dating miyembro at opisyal ng Karapatan na nagbalik-loob na sa pamahalaan, may sapat nang batayan upang patunayan na isa ang Karapatan sa mga itinayong prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP).
Ang RA 9851 ay ang batas na nagpaparusa sa sino mang indibidwal at grupo, kasama na ang CPP at ang armadong grupo nito, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB/NPA) na lumalabag sa mga kasunduan hinggil sa pandaigdigang karapatang pantao (international humanitarian laws) at garapal na lumalabag sa mga karapatang pantao. Isa sa mga paglabag ay ang walang puknat na paggamit ng NPA ng mga bomba (anti-personnel mines, APMs) sa mga operasyon nito at pagpaslang sa mga sibilyan.
Bilang prenteng organisasyon ng CPP, ipinunto ni Parlade na kasama ang Karapatan sa mga tumutulong sa mga teroristang lider at miyembro ng NPA sa ginagawa nilang paghahasik ng karahasan at lagim sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ang Karapatan din, aniya, ang natukoy nilang nagpipiyansa sa mga matataas na lider ng CPP-NPA sakaling mahuli ang mga ito ng pamahalaan. Bukod pa rito, isa rin umano sa layunin ng Karapatan ay ang maghikayat sa mga Pilipino na lumahok sa armadong pakikibaka na isinusulong ng teroristang grupo.
Pasok din aniya sa paglabag sa RA 11479 o ‘Anti-Terrorism Law’ (ATL) ang Karapatan bilang isang organisasyon sa ilalim ng CPP-NPA na idineklara nang mga teroristang grupo ng pamahalaan at kahit ng ibang bansa, katulad ng Estados Unidos.
“Tiniyak” din ni Parlade na personal niyang tututukan ang kasong libel na isasampa niya laban kay Palabay, matapos siyang pagbintangan nitong “utak” sa nangyaring operasyon ng pulisya laban sa CPP-NPA sa rehiyon ng Calabarzon noong Marso 7, 2021, kung saan 9 na lider ng grupo ang napatay ng mga otoridad.
Ipinunto ni Parlade na operasyon ng pambansang pulisya (Philppine National Police) ang naganap noong Marso 7. Hinamon din ni Parlade si Palabay na maglabas ng ebidensiya upang patunayan na siya nga (Parlade) ang nasa likod ng operasyon.
Bagaman nakatakda nang magretiro ngayong Hulyo 23, 2021, tiniyak ng opisyal na hindi niya lulubayan ang kanyang kaso laban kay Palabay.
Samantala, sa isang liham noong Hulyo 9, 2021, nanawagan ang Karapatan sa Komisyon sa Karapatang Pangtao (CHR), na “harangin” ang pagreretiro ni Parlade.
Nais ng Karapatan na huwag bigyan ng CHR ng ‘clearance’ si Parlade upang hindi nito makuha ang kanyang mga benepisyo sa kanyang pagreretiro.
Ipinunto pa ng prente ng CPP na maraming kasong kinakaharap ang heneral at hindi ito dapat mabigyan ng ‘graceful exit.’