Editor’s Note: Ang may akda ay kasalukuyang ‘Vice President for Internal Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies,’ nagsilbing Press Attache sa Philippine Embassy, Washington DC, USA at 2021 Laureate (Major Award) ng Association to Promote Philippines China Understanding (APCU).
BUNSOD ng mga panibagong kaguluhan sa resupply mission natin sa Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal, English; Bãi Cỏ Mây,(Vietnamese; at Rén’ài Jiāo, Chinese— Editor), marahas na iminungkahi ng ating defense secretary, “kung ang Tsina ay hindi natatakot na ipahayag ang mga claim nito sa mundo, bakit hindi tayo mag-arbitrate sa ilalim ng batas-internasyonal?”
Siyempre naman, wala ni isang reporter ang nagtanong pa, dahil pawang walang alam at tamad namang magsaliksik ang mga ito.
Walang kaalam-alam si Defense Secretary Gilbert Teodoro sa kabobohan ng kanyang sinabi. Ang nakapagtataka ay hindi lamang basta-bastang abogado si Teodoro; bar topnotcher siya sa 1989 Philippine Bar Examinations na may 86.18 porsiyento na bar rating, at nakamit niya ang kanyang Master of Laws degree mula sa Harvard Law School, at Doctor of Laws sa West Negros University.
Arbitrasyon na naman? Sir, hindi na kailangan ito. Nagawa na po ito.
Sa kabila ng hindi paglahok ng Tsina sa Arbitrasyon na isinampa ng Pilipinas gamit ang Permanent Court of Arbitration mula Enero 2013 hanggang Hulyo 2016– kung saan tayo ay “nabukulan” ng humigit-kumulang isang bilyong piso bilang ‘lawyers’ fee’– tinalakay na ang usaping ito ng isang tribunal na ipinatawag sa ilalim ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).
Bukod dito, mayroon na ring jurisprudence ang ating Korte Suprema na nagbigay ng kaukulang paglilinaw sa kontrobersiyang ito.
Terminong ‘WPS’ ang ugat ng gulo
Ang problemang namana ni Teodoro, ay nagsimula sa termino ni Pang. Noynoy Aquino, nang pinagmistula niyang ‘idiot’ ang mga Filipino sa kanyang pagbibigay nang gawa-gawang pangalang ‘West Philippine Sea’ (WPS) sa kanlurang bahagi ng South China Sea (SCS) na sakop ng Tsina.
Sa aking pakikipag-usap sa isang dating commandant ng Philippine Coast Guard, inamin niyang marami ang nalilito sapagkat ang kathang-isip na yan ay pinagawan pa ni Pnoy ng drowing o “mapa” alinsunod sa kanyang Administrative Order No. 29, series of 2012.
Ayon sa PCG admiral, ang pangalang ‘West Philippine Sea’ ay hindi nakarehistro sa UN system. Nanatiling ‘unofficial’ ang mapa nito dahil hindi ito maisumite ng ating National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA sa International Hydrographic Association dahil wala itong ‘enabling act’ (batas) na ipinasa ng Kongreso.
Ang administrative order ay hindi batas at wala awtoridad ang Pilipinas sa labas ng bansa (international law) patungkol sa pangalang West Philippine Sea/WPS.
Ang pagbanggit ng AO No. 29 sa relasyon nito sa Republic Act 9522 (Philippine Baseline Law) ay walang katuturan, dahil ito ay nagtalaga lamang ng batayang guhit (baselines) sa ating land territory at internal waters bilang pagsunod sa UNCLOS upang makakuha tayo ng atingg 200 nautical miles bilang ating ‘exclusive economic zone’ (EEZ).
Ayon sa UNCLOS at sa ating Korte Suprema, ang EEZ ay hindi nagbibigay ng soberenya at teritoryo sa nasabing lugar kundi “sovereign rights” isang karapatan na may limitasyon.
Sa desisyon sa GR 187167 na inilabas noong Agosto 16, 2011, hinimay at kinilala ng ating Korte Suprema ang pagkakaiba, sa isang dako, ng paghihiwalay o demarcation ng ating mga zona sa karagatan sa ilalim ng UNCLOS, at sa kabilang dako ang pagtatalaga at resolusyon kung ano ang ating teritoryo. Ito ang makabuluhang inpormasyon na sinisekreto ng mga traydor na politiko at mga elemento ng ating gobyerno na mga tuta ng mga banyagang interes.
Ayon sa GR 187167 “ang UNCLOS at ang mga pantulong na batas ng baselines nito ay walang papel sa pagkuha, pagpapalaki o pagbabawas ng teritoryo.
Importanteng tandaan na ang GR 187167 ang paglilinaw ng Korte Suprema sa mga petisyong isinampa ng ilang mga grupo at indibidwal hinggil sa pagiging konstitusyunal ng RA 9522.
“Sa ilalim ng tipolohiya ng tradisyunal batas-internationaL ang mga Estado (o bansa) ay nakakakuha (o sa kabaligtaran, ay nawawalan) ng teritoryo sa pamamagitan ng pananakop, pagdaragdag, kompromiso at atas, hindi sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga multilateral na kasunduan sa mga regulasyon ng mga karapatan sa paggamit ng dagat o pagsasabatas ng mga batas upang sumunod sa mga tuntunin ng kasunduan upang limitahan ang mga maritime zone at continental shelves.
“Ang mga teritoryal na pag-angkin sa mga tampok ng lupa ay nasa labas ng UNCLOS, at sa halip ay pinamamahalaan ng mga patakaran sa pangkalahatang batas-internasyonal.
“Ang huling talata ng preamble o panimulang pahayag ng UNCLOS ay nagsasaad na ‘ang mga bagay na hindi saklaw ng regulasyon ng Convention na ito ay patuloy na pinamamahalaan ng mga patakaran at prinsipyo ng pangkalahatang internasyonal na batas.’”
Ang ‘nine dash line’
Naragdagan pa ang ‘Abracadabra’ ng West Philippine Sea” nang lumabas ang Arbitral Award noong 2016, dahil sa inilunsad na propaganda ng Stratbase-Albert del Rosario Institute (ADRI) na isang malaking “tagumpay” sa Pilipinas ang sinabi ng PCA na nagpawalang bisa diumano sa ‘nine-dash line’ ng China.
Lumipas ang pitong taong bolahan, pero nang mawala ang usok, ay lumabas ang mga katotohanan na ang gusali ng buong argumento ng Pilipinas ay nakatuntong lamang sa isang marupok na pundasyon. Kilatisin nating mabuti ang mga titik ng Arbitral Award.
Aniya sa Paragraph 278, “…ang mga lugar na pandagat ng Katimugang Karagatan na sakop ng kaukulang bahagi ng ‘nine dash line’ ay salungat sa Kumbensiyon at walang bisa sa batas sa lawak na lumampas ito sa heograpikal at substantibong limitasyon ng mga karapatang pandagat ng Tsina sa ilalim ng Kumbensyon.”
Oo nga, sinasabi ng Arbitral Award ay salungat ang nine dash line UNCLOS.
Subalit, ang UNCLOS ay isa lamang tratado o treaty sa loob ng batas-internasyunal. Hindi ito ang kabuuan ng batas-internasyunal.
Ayon sa Proceedings ng National Academy of Sciences ng Estados Unidos ng Amerika, higit sa “250,000 international treaties” na mayroon sa mundo naglalayong mapaunlad ang pandaigdigang kooperasyon. Sa madaling salita, ang UNCLOS ay isa lamang sa daan-daang libong mga tratado na dapat nating tingnan at mapag-aralan.
Ang mensahe ng UNCLOS ay kung gustong gawing lehitimo ang nine-dash line ng Tsina, kailangan nitong tumingin sa ibang lugar dahil hindi sapat ang mga probisyon ng UNCLOS para dito (itutuloy).