NADAGDAGAN pa ang mga kasong kinakaharap ngayon ni Gapan City, Nueva Ecija mayor, Emerson ‘Emeng’ Pascual at iba pang mga lokal na opisyales sa tanggapan ng Ombudsman matapos muling sampahan ng kasong katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan noong Lunes, Nobyembre 29, 2021.
Sa panibagong kaso ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o ‘Anti-Graft and Corrupt Practices Act,’ ipinunto ng dalawang complainants, na residente ng lungsod, ang ‘audit report’ ng ‘Commission on Audit’ (COA) noong nakaraang taon kung saan nabisto na aabot sa P365, 598,688.76 ang ginastos ng lungsod na walang kaukulang ‘duly approved disbursement vouchers.’
Kasama sa mga kinuwestyon ng COA ang P316,245,319.89 mula sa ‘General Fund;’ P29,362,913.57 mula sa ‘Special Education Fund’ (SEF); at, P19,990455.30 mula naman sa ‘Trust Fund’ ng Gapan City.
Sa bukod pang reklamo na isinampa nina Cathrina Sta. Maria de Guzman at Reynaldo Alvarez sa OMB-Luzon, inakusahan din si Pascual ng paglustay ng higit P101 milyon mula sa higit P131 milyon na pondo para sana sa ‘Gender Development Program’ (GDP) ng Gapan noon ding nakaraang taon.
Sa pagbusisi ng COA, nalustay ang P101,440,477.81 para sa GDP noong isang taon sa mga programang walang kinalaman upang maisulong ang pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan at kalalakihan (gender equality) katulad ng pagpapatayo ng mga ‘multi-purpose gymnasium hall,’ pagtatayo ng barangay plaza, paglalagay ng mga streetlights, pagbili ng mga sasakyan at bayad para sa libreng panonood sa mga sinehan.
Bukod kay Pascual, kasama sa unang reklamo sa kasong ‘grave misconduct’ si Gapan City Treasurer Mauro Marcelo; kasama naman ng dalawang opisyal sa ikalawang kaso si Gapan Budget Officer Eduardo Almera sa kasong paglabag sa RA 3019, RA 9710 at Article 220 ng Revised Penal Code (technical malversation).
Ayon pa sa dalawang reklamo, “nagsabwatan” umano ang mga inakusahang opisyal upang mailabas at magastos ang mga nasabing halaga mula sa kaban ng Gapan na aabot sa higit P466 milyon.
Matatandaan na noong Oktubre 22, 2021, sinampahan na rin sa Ombudsman ng mga kasong katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan sina Pascual, Marcelo at limang iba pang lokal na opisyal patungkol naman sa higit P193 milyon na ginastos ng lungsod sapul pa noong taong 2018, sa unang termino ni Pascual (Pinoy Exposé, October 25, 2021).
Sa ulat pa rin ng COA, “kulang” ang mga dokumento at hindi maipaliwanag ng administrasyon ni Pascual kung saan napunta ang nasabing halaga.
Si Pascual ay tatakbong kandidato bilang kinatawan ng ika-4 na distrito ng Nueva Ecija sa halalan sa susunod na taon matapos makumpleto ang kanyang 2-termino bilang alkalde ng Gapan.