‘NAMUMURO’ na masampahan ng mga kasong kriminal si Biñan City, Laguna mayor, Arman Dimaguila, matapos magpalabas ng pekeng mayoralty survey noong nakaraang linggo gamit ang pangalan ng isang kumpanya sa Makati City.
Sa nakalap na impormasyon, pinag-aaralan na ng ‘Legal Team’ ng ‘Alternative Intelligence Management Consulting’ (AIMC) ang mga kasong kriminal na isasampa laban kay Dimaguila dahil umano sa ginawang pagsira ng alkalde sa pangalan at reputasyon ng kumpanya.
Matatandaan na kamakailan, ibinida ng kampo ni Dimaguila (PDP-Laban) sa social media na batay umano sa isinagawang survey ng AIMC sa buwan ng Abril para sa pagka-mayor sa Biñan City sa halalan ngayong Mayo 9, 2022, nakakuha siya ng 74.04 porsiyento, 15.38 porsiyento para kay Donna Yatco (Nacionalista Party) at tanging 0.96 porsiyento para kay Bobet Borja (Partido Federal ng Pilipinas).
Nabuking naman ang ginawang panloloko at panggagamit ng pangalan ng AIMC na ginawa ng kampo ni Dimaguila matapos pasinungalingan ng kumpanya ang umano’ resulta ng survey.
“AIMC has no knowledge of this particular survey in Biñan,” saad ng social media post ng kumpanya sa sarili nitong Facebook account noong Abril 23, 2022.
“We also would want to clarify that we don’t have any client running for public office from the City of Biñan.
“The use of our company name is not just unauthorized but malicious in nature. We condemn this act,” dagdag png AIMC Legal Team.
Ang AIMC ay isang dalubhasa pagdating sa mga political at marketing surveys na itinayo noong 2009 at may punong tanggapan sa Makati City.
Ayon pa sa impormasyon, bagaman kinondena ng AIMC ang ginawang paggamit sa pangalan nito upang lumikha ng impresyon na wala nang talo sa eleksyon si Dimaguila, hindi gumawa ng ano mang hakbang si Dimaguila o ang kampo nito upang humingi ng paumanhin sa kanila at bagkus ay tumahimik na lang sa kontrobersiya.
Bukod sa kasong kriminal, pinag-aaralan na rin ang hihinging danyos-perwisyo laban kay Dimaguila.
P500 pensiyon sa Biñan senior citizens hindi para sa lahat
Samantala, hindi dapat umasa ang mahigit 26,000 na mga senior citizens sa lungsod ng Biñan, na lahat sila ay makatatanggap ng P500 monthly pension mula sa lokal na pamahalaan dahil kulang ang pondong inilaan para sa kanila ng administrasyon ni Dimaguila.
Batay na rin sa mga pahayag ng kampo ni Dimaguila at rekord ng city hall, aabot lang sa halos 16,000 senior citizens ang mabibigyan ng ayuda at aasa naman sa wala ang matitirang 10,000 senior citizens.
Noong isang buwan, sinimulan na ang pamamahagi ng nasabing pensiyon sa mga lolo at lola sa lungsod kung saan pinag-antay ang karamihan ng higit 3 oras sa bagong sports complex ng Biñan bago nila ito natanggap.
Hindi naman malinaw kung may permiso ng Commission ng Elections (Comelec) ang biglaang pamumudmod ng kampo ni Dimaguila ng nasabing halaga dahil isinasagawa ito sa panahon ng campaign period kung saan ang lahat ng gastusin ng pondo ng ano mang bayan ay dapat may permiso ng poll body.
Kailangan ang pahintulot ng COMELEC upang hindi matawag na ‘vote-buying’ at ‘electioneering’ ang pamumudmod ng pera sa panahon ng kampanya.
Ang pamamahagi ng buwanang P500 para sa lahat ng senior citizens ng lungsod ay orihinal na panukala ni dating konsehala Donna Yatco, sa kanyang termino noong 2016, subalit hindi sinuportahan ni Dimaguila at mga kakampi nitong konsehal sa katwiran na “walang pondo” ang Biñan upang ayudahan ang mga senior citizens.
Samantala, ang Biñan sports complex kung saan unang ibinigay ang pensyon noong isang buwan ay nagawang pondohan ng konseho at administrasyong Dimaguila sa halagang higit P1.1 bilyon.
Hindi rin malinaw kung may matatanggap pang pensiyon sa mga susunod na buwan ang mga senior citizens ng Biñan, dahil “depende:” umano ito sa resulta ng eleksyon sa Lunes, Mayo 9, 2022.
Sakali namang manalo si Dimaguila, wala pa ring kasiguruhan ang pagtutuloy ng nasabing pensiyon dahil umabot na umano sa halos P3 bilyon ang nautang ng kanyang administrasyon at walang katiyakan kung mayroon pang mga bangko at institusyon na nakahanda pa ring magpautang sa Biñan.