KINUMPIRMA ng oposisyon na naghahanda na sila sa pagsasapubliko ng mga pangalan ng kanilang mga “nominado” para sa May 9, 2022 national and local elections.
Sa ginawang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club noong Mayo 21, 2021, sinabi ni Atty. Howard ‘Howie’ Calleja, isa sa mga ‘lead convenor’ ng ‘1Sambayan,’ na sa mga ilalabas nilang pangalan “pipiliin” ang pinal na listahan ng mga kandidato ng kanilang grupo batay na rin sa mga pamantayan na kanilang ilalatag.
Isasagawa aniya ang pormal na anunsyo sa darating na Hunyo 12, 2021, Araw ng Kalayaan.
Ilulunsad din umano ng kanilang grupo ang ‘Isama Ako’ app (program) para makakalap ng mga miyembro at makuha ang pulso ng publiko kung sino ang gusto nilang maging mga opisyal na kandidato ng 1Sambayan.
Aniya pa, ‘compelete slate’ ang inihahanda ng kanilang grupo kung saan may opisyal silang kandidato para sa Pangulo, Bise Presidente at 12 posisyon sa Senado.
Ani Calleja, ang 1Sambayan ay isang ‘broad spectrum’ at isang ‘united front against the government’ na layon umanong magbigay sa bansa ng “tapat na pamumuno.”
Kabilang sa nasabing alyansa ay ang Liberal Party, ang grupong Magdalo ni dating senador, Antonio Trillanes, ex-SC justice Antonio Carpio, ex-CJ Maria Lourdes Sereno, ex-Ombudsman Conchita Carpio Morales at ang mga prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP) sa ilalim ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso.
Sa mga naunang balita, ilan sa mga pangalan na iaalok bilang kandidatong presidente ng alyansa ay sina Trillanes, Vice Pres. Leni Robredo, Sen. Nancy Binay, Sen. Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno.
Nilinaw naman ni Calleja na bagaman may mga nag-uudyok, walang balak maging kandidato si Carpio.
Wala rin umanong puwang sa kanilang grupo ang mga opisyal at kandidato ng kasalukuyang administrasyon katuald ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go at iba pang mga kandidato na naging kabalikat ng gobyernong Duterte sa pamamahala sa nakaraang 5 taon.
Ipinagyabang din ni Calleja na mula sa orihinal na 12 convenor, umabot na umano sila sa 23 convenorna kumakatawan sa iba’t-ibang organisasyon sa bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa ilang mga LGUs upang kunin ang suporta ng mga ito habang papalapit ang eleksyon.
Nakahanda na rin umano ang kanilang grupo na pamunuan ang bansa hindi lang sa susunod na anim na taon, bagkus, hanggang sa 2050.