‘APA parricide case,’ magtatagal pa

MAGTATAGAL pa ang pagdinig sa ‘APA parricide case’ matapos ‘mag-inhibit’ o bumitaw sa pagdinig sa kaso, ang huwes na humahawak nito.

Sa huling pagdinig noong Hunyo 7, 2022 ng Branch 257, Parañaque City Regional Trial Court, walanng nagawa ang mariing protesta ni Department of Justice Prosecutor Leonardo Rodriguez sa desisyon ni presiding judge, Hon. Rolando Go How, na pumanig sa petisyon ng akusado na si Nelson Bermejo Antonio, na mag-inhibit na lang ang huwes sa kaso.

Si Nelson ang suspek sa pagpatay sa kanyang ama na si Antonio Pablan Antonio (APA), isang matagumpay na negosyante. Nangyari ang insidente sa loob ng kanilang tahanan sa Las Piñas City noong Setyembre 11, 2013.

Naisugod pa si APA sa Asian Hospital sa Muntinlupa City, subalit binawian na rin ng buhay.

Ayon sa mga kaanak, nagalit si Nelson nang sabihan ng kanyang ama na wala na itong matatanggap na “mana” (inheritance) dahil sa laki na ng nakuha nitong pera sa kanya.

Ang baril na “regalo” pa ni APA kay Nelson ang umano’y ginamit ng suspek.

Bagaman ‘no bail’ ang parusa sa kasong parricide, nagawa pa ring makapagpiyansa ni Nelson matapos magtalo ang korte ng Parañaque at Las Piñas kung sino sa kanila ang may hurisdiksyon sa kaso.

Sinamantala rin ni Nelson ang pagkakaton upang makalabas ng bansa sa tulong na rin ng kanyang mga koneksyon at unang nagtungo sa bansang Singapore noong Disyembre 28, 2013, ayon naman sa mga sumunod na ulat ng Philippine National Police (PNP).

Pagkaraan naman ng 5 taon, nadakip si Nelson sa United Arab Emirates noong 2018 at ibinalik sa Pilipinas, ayon na rin sa mga sumunod na ulat ng mainstream media.

Sa huling pagdinig, hindi naiwasan ng iba pang mga anak at kapamilya ni APA na akusahan si Judge How ng “pagkiling” (bias) kay Nelson.

Pinansin din ni Rodriguez na si Judge How na ang humahawak ng kaso sapul ng pormal na maisakdal si Nelson.

Aniya, hindi na makikita ng papalit na hukom ang mga paglilitis sa nakalipas na halos pitong taon na tanging si Judge How lamang ang hukom na nakasaksi.

Hindi aniya mararamdaman ng susunod na hukom ang bigat sa damdamin ng nga testigo at complainants na nasasaad lamang sa mga text at stenographic notes at si Judge How lamang ang kuwalipikadong humatol sa kaso.

Sa kabila ng mga pagtutol, nanindigan si  Judge How na bumitaw na lang sa kaso..

Sa kanilang panig, labis ang pagkadismaya ng mga anak ng biktima kabilang na si Xialen Antonio dahil sa kaagahan ng pagdinig, nabigyan sila ng pag-asa ni Judge How nang makita nila ang pagsisikap nito na mabigyan sila ng katarungan.

Sa rekord ng korte, bago nalagutan ng hininga ay sinabi umano ni APA sa isa pa nitong anak na si Vladimir na si Nelson, ang ‘half-brother’ ni Vladimir, ang bumaril sa kanya.

Ililipat ang kaso sa bagong huwes na hahawak nito sa pamamagitan ng ‘court raffle’ sa Hunyo 13, 2022.

Comments (0)
Add Comment