MANILA–Nagtaray si Presidential spokesperson Harry Roque sa pagsagot sa mga kritikong bumabatikos sa kanyang pahayag na “nanalo” na ang bansa sa prediskyon ng University of the Philippines sa kaso ng coronavirus disease o COVID-19.
“Medyo-medyo slow sila to gets, ‘no? Hindi po talaga UP ang kalaban,” ayon kay Roque na halatang napika sa mga batikos sa kanya matapos ang panayam.
Isang UP alumnus at UP law professor, idiniin ni Roque na ang totoong kalaban ng bansa ay ang COVID-19.
“Ang kaaway po natin ay COVID-19, kaya lang po ginagamit ng UP ang mathematical models para mag-forecast kung ilan sa atin ang magkakaroon ng COVID-19,” aniya.
Matatandaan na masayang binati ni Roque ang publiko dahil ang numero ng COVID-19 cases sa bansa ay hindi sumampa sa 40,000 sa katapusan ng buwan ng Hunyo, gaya ng prediksyon ng isang grupo sa UP na gumagawa ng pag-aaral.
“Panalo na tayo. We beat the UP prediction po. We beat it, so congratulations Philippines. Let’s do it again in July. We are winning,” ang masayang sabi ni Roque kamakailan.
Noong June 30, ang numero ng COVID-19 cases sa bansa ay sumampa lang sa 36,000, taliwas sa hula ng “UP experts” na lalagpas sa 40,000.
Ngunit ang mga kritiko ng gobyernong Duterte na sina Sen. Risa Hontiveros at Bayan secretary general Renato Reyes, ay mabilis na kinastigo ang pahayag ni Roque.
“No, Harry. We did not win squat. The self-congratulations is grossly misinformed and intellectually dishonest,” ang puna ni Reyes sa isang pahayag.
“Hala. COVID-19 ang kalaban, hindi UP,” ang epal naman ni Hontiveros sa kanyang Twitter.#