“Babae” ang susunod na Presidente– Gov. Suarez

Mga ospital sa Quezon “bukas” sa mga may Covid
MALAKI ang paniwala ni Quezon governor Danilo Suarez ng lalawigan ng Quezon na “babae” ang “susunod” na pangulo ng bansa.

Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Abril 23, 2021, sinabi ng beteranong mambabatas at lider ng Lakas-CMD na nakahanda siyang suportahan ang “susunod na presidente” ng bansa sa halalan sa susunod na taon.

“Ang susuportahan natin, yung mananalong presidente… babae ang susunod na presidente,” ayon pa kay Suarez.

Ibinibilang si Suarez sa hanay ng mga matatagumpay na pulitiko, kung hindi man sa buong bansa ay sa hanay ng mga naging pulitiko at lingkod-bayan sa buong Timog Katagalugan dahil sa kanyang pambihirang rekord sa halalan at bilang isang ‘rags-to-riches success story.’

Unang naglingkod bilang mambabatas si Suarez noon 1992 kung saan nakumpleto niya ang tatlong termino noong 2001.

Muli syang nakakumpleto ng tatlong termino sa Kongreso matapos muling manalo noong 2004 election na nagtapos noong 2013 (naging kapalit ni Suarez ang kanyang asawa na si Aleta bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Quezon noong 2001 election).

Si Quezon governor, Danilo Suarez sa media forum ng National Press Club noong Abril 23, 2021

Dahil dito, wala nang lumaban kay Suarez nang muli siyang tumakbo sa Kongreso noong 2016 bago nagdesisyon na tumakbo—at manalo—bilang gubernador ng Quezon sa eleksyon noong 2019.

Sa tinuran naman ni Suarez, muling umingay ang espekulasyon na ‘War of the Roses’ (labanan ng babae sa babae) ang panguluhan sa susunod na taon kung saan inaasahang maglalaban sina Vice President Leni Robredo bilang “pambato” ng oposisyon at si Davao City mayor Sara ‘Mayor Inday’ Duterte, anak ng Pangulo, bilang panlaban naman ng administrasyon.

Una nang sinabi ni Robredo na wala na siyang balak pang lumahok sa pulitika bagaman ang pinal na desisyon, aniya pa, ay nakasalalay pa rin sa desisyon ng kanyang mga kasamahan sa Liberal Party.

Samantala, bagaman sinabi na ni Pang. Duterte na “hindi” tatakbong presidente ang kanyang anak na babae, patuloy namang umiikot ang ilang grupo sa buong bansa upang kumalap ng suporta sa kanyang kandidatura.

Nabatid pa na dakong buwan ng Hunyo o Hulyo, inaasahang magbibigay ng kanyang pahayag si Mayor Inday hinggil sa kanyang pinal na desisyon.

Samantala, sinabi ni Suarez na nakahanda ang mga ospital sa kanyang lalawigan na “tanggapin” ang sino mang pasyente na nabiktima ng Covid-19.

Ito ay matapos ang kumalat na balita na “napupuno” na ng pasyente ang mga pampubliko at pribadong ospital sa Maynila dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit.

Isa ang lalawigan ng Quezon sa may pinakamagandang rekord ng paglaban sa Covid-19 kung saan, ayon pa rin sa gubernador, natapos na nilang bakunahan ang higit 14, 000 ‘FHCWs’ (frontline health care workers) sa buong lalawigan.

Comments (0)
Add Comment