MAGANDANG balita para sa mga “magsing-irog” at sa mga pamilyang “nabuburyong” na sa kanilang buhay dahil sa epekto ng ‘lockdown’ na nagsimula noong Marso.
Kasalukuyang nang inaayos ng Department of Tourism (DOT) ang mga panuntunan upang muling makapagbukas ang mga hotel/motel para sa panandaliang “bakasyon” o “staycation” ng sino man matapos aprubahan ng ‘Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease’ (IATF) at Metro Manila Commission.
Batay sa inilabas na IATF Resolution 70 noong Setyembre 10, 2020, ang mga motel/hotel ay papasok sa kategoryang “markets of specialized program of the Department of Tourism.”
Sa panayam, sinabi pa ni DOT secretary, Bernadette Romulo-Puyat, na layunin ng pagluluwag sa operasyon ng mga hotel/motel ay upang makatulong na mapasigla ang ekonomiya sa pamamagitan ng lokal na turismo.
Ayon pa rin kay Metro Manila Commission (MMC) chairman at Parañaque City mayor, Edwin Olivares, ang ‘staycation’ ay kasama sa kanilang mga rekomendasyon sa IATF upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Sasakupin ng bagong regulasyon na inaasahang magiging epektibo sa buwan ng Oktubre ang mga lugar na sakop ng kategoryang “GCQ” (general community quarantine) kung saan hindi na kailangan ang maraming rekisitos para lang “makapagpahinga” sa mga hotel at motel.
Taliwas naman sa nakasanayang ‘short time’ na aabot lang sa 3-oras, ang sino mang gustong magcheck-in sa mga hotel ay dapat magbayad para sa ‘overnight stay’ (isang araw).
Kailangan ding sumunod sa mga ‘health protocols’ ang mga establisyamento hinggil sa pagbubukas ng mga ‘gyms, ‘spa,’ ‘restaurant’ at iba pang mga pasilidad na dati nang kasama sa serbisyo ng mga hotel at motel.
Batay sa mga naunang resolusyon ng IATF bago inilabas ang Resolution 70, ang mga hotel at mga motel ay isinarado sa mga parukyano sa kasagsagan ng ‘lockdown’ at puwede lang magamit ng mga ‘frontliners’ at mga OFWs na kailangan ng 14-day quarantine bago payagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.
Sa pagbagsak naman ng ekonomiya, noong Abril ay nag-anunsiyo na ang sikat na ‘Victoria motel chain’ ng pagsasara ng ilang mga pasilidad nito sa buong Metro Manila dahil sa pagkalugi.
Sa kasalukuyan, nahihirapan ang mga hotel/motel, partikular sa Metro Manila na tumanggap ng mga parukyano dahil bawal ang ‘walk-in customers’ at ang pagrerehistro ay kailangang idaan sa ‘online.’
Kailangan ding magpakita ng kanilang ‘health certificate’ at negatibong resulta ng kanilang ‘Covid test’ ang mga kostumer bago payagan na makapagcheck-in.###