HINAMON ni Sen. Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, ang mga ‘economic managers’ ng bansa na “pangalanan ang mga kumpanya sa mga ‘economic processing zones’ na umano’y “umaabuso” sa mga ibinibigay na mga ‘tax incentives’ at dapat nang alisin sa ilalim ng panukalang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.’
Ipinahayag ni Marcos ang kanyang pangamba dahil sa “posibilidad” na “gawa-gawa” lang ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa mga tax incentives para mabigyang katwiran ang ‘rationalization’ ng nasabing mga insentibo gaya ng mababang 5 porsiyentong buwis sa ‘gross income earned’ (GIE) ng mga kumpanya sa mga PEZA (Philippine Export Processing Zones).
“Tayo ba eh gumagawa lang ng multo para i-harass ang isa’t-isa at gawing masalimuot ang ating mga export incentives?
“Ang alegasyon bang tuloy-tuloy na pag-abuso ng 5 porsiyentong buwis sa GIE ay isa lamang gawa-gawang bangungot, o tunay na banta,” tanong pa Marcos sa kasagsagan ng ‘plenary session’ ng Senado noong Lunes, Oktubre 12, 2020.
Ang komento ni Marcos ay matapos tiyakin ng PEZA (Philippine Export Zone Authority) walang pag-abusong nangyari dahil ang mga insentibo ay ibinibigay o napupunta hindi sa mga kumpanya kundi sa mga produkto, bagong product development, bagong teknolohiya, at pagpapalawak ng karagdagang ‘investment’ ng mga kumpanya.
Maraming “pangunahing katanungan ang hindi pa nasasagot” ng Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) para mabigyang katwiran ang pagtatanggal ng tax incentives para sa mga exporter, ayon pa kay Marcos.
“Magkano ba ang kikitain natin kung ibabasura ang mga insentibo para sa mga exporter?
“At gaano pa kalaki ang isusugal natin o ilalagay sa peligro sa pag-alis ng mga investors at pagkawala ng trabaho at foreign currency,” diin pa ni Marcos.
Una nang pinahayag ng DOF at NEDA na ang pag-aalis ng tax privileges sa mga exporter ang magbabalanse sa ibabawas na corporate income tax (CIT) mula sa kasalukuyang 30 porsiyento patungong 25 porsiyento at 20 porsiyento.
Bagaman sang-ayon si Marcos na tapyasan ang CIT para mas malapit ito sa 15 porsiyento na ‘tax rate’ ng ibang bansa sa Asya, iginiit niya na ang pag-aalis sa tax incentives ay magdudulot ng pagkadismaya sa hanay ng mga dayuhang mamumuhunan at magpapalala sa kawalang trabaho sa bansa kahit pa magkaroon ng bakuna para sa pandemya ng Covid-19.
“Mas magiging magastos sa mga investor kung babawasan ang tax incentives at hindi kakayaning makipag-kumpetensya bilang isang investment destination,” ani Marcos.
Ang ama ni Marcos, si Pang. Ferdinand Marcos, ang unang nagbukas sa Pilipinas sa mas maraming dayuhang kumpanya nang itatag nito ang mga PEZA noong dekada ’70.
Pinansin pa ng mambabatas na bumaba ng P19 bilyon ang halaga ng investments sa Pilipinas mula Enero hanggang Hulyo nitong taon, habang bumaba ng $16.6 bilyon naman ang halaga ng exports, ayon sa ‘performance report’ ng PEZA.
Bukod dito, umabot na rin sa 60,379 katao ang nawalan ng trabaho sa mga export companies mula Abril hanggang Hunyo pa lamang, at mas marami pa ang mawawalan ng trabaho dahil napipilitan ang mga kumpanya sa gitna ng pandemya na magbayad ng mga sweldo kahit walang mga export order, magtipid sa paglaan ng kapital o tuluyan nang umalis ng Pilipinas para sa mga bansang mas maraming tax incentives, aniya pa.
Para sa CREATE Act, sinabi pa ni Marcos ang kanyang posisyon na ang pag-alis ng mga tax incentives ay dapat ipataw na lang sa mga bagong export companies.
Paliwanag ni Marcos, mas maiging sundin ang “grandfather clause” o pagbibigay-daan sa mga nauna at kasalukuyang export companies sa bansa para mapakinabangan pa rin nila ang kanilang incentives at hindi maudyok na lumipat sa ibang ASEAN countries na may mas magandang alok sa kanila.