Pagtatalaga sa mga bagong opisyal ng DOE, ERC, bawiin– NASECORE

NANAWAGAN kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. o PBBM at sa Senado ang National Association of Electricity Consumers for Reforms o NASECORE na ikonsidera ang pagbawi sa appointments nina Department of Energy Secretary Raphael Perpetuo Lotilla at Energy Regulations Commission chairperson Atty. Mona Liza Dimalanta dahil umano sa isyu ng conflict of interest at matagal na pagiging mga empleyado at opisyal ng dalawa sa isang ‘big player’ sa power industry sector.

Sa 3-pahinang sulat na natanggap ng Malakanyang nitong Lunes, Setyembre 5, 2022, binigyang diin din ni NASECORE president at dating DOE undersecretary, Pete Ilagan, na labis na ikinatuwa ng mga consumers ang anunsiyo ni BBM sa kanyang unang SONA noong Hulyo na pagrepaso sa RA 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), upang maibaba pa ang presyo ng kuryente sa bansa.

Ang Pilipinas ang may pinakamahal na presyo ng kuryente sa buong Asya.

Sa kabila ng pagkatuwa ng mga consumers sa plano ni PBBM, ipinunto naman ni Ilagan sa Pangulo na parehong galing sa kumpanya ng kuryente ng ‘Aboitiz Group’ sina Lotilla at Dimalanta kung saan pareho silang hahawak ng mga sensitibong posisyon sa sektor ng kuryente, isang detalye na maari umanong hindi batid ng Pangulo.

Bilang DOE secretary, kasama sa responsibilidad ni Lotilla ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente (power generation) samantalang proteksyon naman ng mga gumagamit ng kuryente laban sa pang-aabuso ng mga power distributors ang responsibilidad ni Dimalanta.

Pangamba ng NASECORE, masyadong mabibigyan ng pabor ang isang kumpanya na bukod sa pagkakaroon ng mga power plants ay isa ring power distributor.

Paalala ni Ilagan, ang pagbuwag sa ganitong sistema sa industriya ng kuryente ang nais tapusin ni PBBM sa panukala nitong rebisahin ang EPIRA.

Aniya pa, ang monopolyo sa industriya ng kuryente mula sa power generation hanggang distribution ay unang ipinabawal ni dating Pang. Ferdinand Marcos Sr.

Hindi rin umano makukumbinsi ang mga foreign investors na mamuhunan at magtayo ng mga bagong planta ng kuryente dahil sa nakikitang kawalan ng ‘level playing field’ kung ang mga sensitibong posisyon sa industriya ay kontrolado lang ng isang grupo.

Maaring hindi rin umano nakarating sa kaalaman ni PBBM na ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng DOE at ERC na ang mga naitalagang opisyal ay nirekomenda at nanggaling sa mismong mga industry players.

Ipinunto ni Ilagan na sapul sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo (2001- 2010) hindi nagtalaga ang Ehekutibo ng mga opisyal sa DOE at ERC na may koneksyon sa mga industry players.

Sa bukod na panayam, sinabi pa ni Ilagan na kaparehong petisyon ang ihahain nila sa Senado, partikular kay Senate Energy Committee chairman, Sen. Raffy Tulfo, na kamakailan ay binisita ni Lotilla bago pa man ang kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments.

Comments (0)
Add Comment