Manila, Philippines – Dalawang Pinoy ang kabilang sa mga namatay habang anim pa nating kababayan ang nasugatan sa napakalakas na pagsabog sa kapital ng Lebanon na Beirut nitong Martes, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang namatay na mga Pinoy ay nakatira sa bahay ng kanilang mga employer, malapit sa lugar ng pagsabog, ayon sa Philippine Embassy sa Beirut na inanunsyo naman ni DFA spokesperson Ed Meñez.
“The Philippine Embassy is in touch with the Filipino community in Lebanon to assess the situation and provide assistance to any affected Filipinos,” sinabi ng DFA.
Ayon kay Meñez, nasa 33,000 Filipino ang nasa Lebanon at 75 porsiyento rito ay naninirahan sa Beirut.
Nag-abiso naman ang DFA sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong na maaring tumawag sa embahada sa +961 3859430, +961 81334836, +961 71474416, +961 70681060 and +961 70858086 (telephone) o beirutpe@gmail.com (email), o sa Facebook.
Hindi pa malaman ang dahilan ng pagsabog pero hinihinalang dahil ito sa ammonium nitrate na inimbak umano sa warehouse port na sinasabing nasunog nang mga oras na iyon.
Sinabi ni Abbas Ibrahim, hepe ng Lebanese General Security, ang aniya’y “highly explosive material” na dati nang nakumpiska sa isang barko ay inimbak lamang sa isang bodega, malapit sa pantalan.
Isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 78 katao ang namatay sa pagsabog at halos nasa 4,000 na ang nasugatan.
Nasusunog pa rin ang tinaguriang “ground zero” at halos lahat ng pamatay sunog sa Beirut ay nagtulong-tulong na sa pag-apula sa apoy.
Nagdeklara na si Lebanon Prime Minister Hasan Diab ng “day of mourning” para sa mga biktima habang agad nagpatawag ng pulong si President Michel Aoun.
Ayon sa Germany geosciences center GFZ, ang pagsabog ay lumikha ng 3.5 magnitude earthquake at naramdaman ito hanggang sa Cyprus o mahigit sa 200 kilometers (180 miles) sa pagtawid sa Mediterranean.
Nangyari ang pagsabog sa harap pa ng umiinit na tensyon sa pagitan Israel at ng Hezbollah military sa katimugang hanggahan ng Lebanon.
May mga residenteng nagsabi na bago ang pagsabog ay nakarinig sila ng ingay ng mga lumilipad na eroplano sa lugar dahilan upang magkaroon ng balita-balita bahagi ito ng pag-atake sa Lebanon.
Itinanggi naman ng Israeli government official na may kinalaman sila sa pagsabog.
Nagpahayag na ng pakikiramay sa sambayanan ng Beirut si U.S. Secretary of State Mike Pompeo na nagsabing “mahigpit silang naka-monitor” sa nangyari. #