Pagtataas ng sahod ng mga nars inihain na sa Kongreso

HB 7569 pabor sa mga nars sa ‘private hospitals’
INIHAIN na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod at iba pang benepisyo ng mga nars, partikular na sa mga pribadong ospital.

Ayon sa HB 7569 na magkatuwang na inihain nina Davao City representative at House Deputy Speaker Paolo Duterte, Davao Occidental Rep. Claudine Diana Bautista at ACTY-CIS partylist Rep. Eric Yap, inaatasan ang Department of Labor at National Wages and Productivity Commission (NWPC) na agarang makipag-usap sa Department of Health, Philippine Nursing Association at iba pang mga organisasyon upang mabalangkas ang pagtataas ng suweldo ng mga nars at iba pang mga ‘health workers’ sa mga pribadong ospital at mga pagamutan.

Kasama sa mga dapat mapagkasunduan ay kung magkano ang ‘minimum wage’ sa mga nars at iba pang mga benepisyo katulad ng COLA (cost of living allowance).

Ayon pa kay Cong. Yap, masyado nang malayo ang agwat ng suweldo ng mga nars sa mga pribadong pagamutan kumpara sa mga nars sa mga pampublikong ospital samantalang parehong mahalaga ang kanilang ginagampanang papel partikular ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Lumabas sa ginawang pag-aarala na umaabot lang sa P9,757 ang buwanang sahod ng mga nars sa pribadong ospital samantalang nasa pagitan na ng mula P19,845 hanggang P30,531 ang buwanang sahod ng mga nars sa mga government hospitals.

Kailangan umanong magkaroon ng konsultasyon ang lahat ng apektadong sektor sa pangunguna ng NWPC at DOLE upang matiyak na ang minimum wage ng mga nars ay makasasapat sa kanilang batayang mga pangangailangan at magbibigay ng dignidad sa kanilang propesyon.

Ani Yap, naniniwala rin siyang may “puso” at “malasakit’ para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa ang mga may-ari ng pribadong ospital at wala naman aniyang “nalulugi” sa panahong ito dahil marami ang nagpupunta ngayon sa mga ospital para magpagamot.

Batay pa rin sa panukala, papatawan ng mula P100,000 hanggang isang milyong piso, sa bawat paglabag, ang sino mang ospital na lalabag sa mga probisyon ng panukala, sakaling maging ganap na itong isang batas.

Comments (0)
Add Comment