“NAKAHANDA” nang magpabakuna laban sa COVID-19 sa harap ng publiko si Pang. Duterte basta papayagan ito ng kanyang mga doktor.
Ito ang naging pagtitiyak ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, sa panayam sa kanya ng media, matapos pasinayaan ang ika-101 ‘Malasakit Center’ sa ‘Gov. Roque Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City, Ilocos Norte, noong nakaraang Pebrero 11, 2021.
“Nagkausap na rin kami ni Pangulong Duterte.
“Plano na rin niya na magpabakuna kung pumayag na po ang kanyang doktor at dapat po itong isa-publiko para makuha po ang kumpiyansa ng mga Pilipino para magpabakuna ang iba,” anang mambabatas na kilalang malapit sa Pangulo.
Sa isang naging pagpupulong sa Malakanyang ng kanyang Gabinete noong isang buwan, ibinulgar ni ‘Vaccine Czar’ Carlito Galvez, na isa sa mga malaking problema ngayon ng bansa ay hindi ang suplay ng bakuna bagkus, ang “takot” ng karamihan sa mga Pinoy na magpaturok ng panlaban sa pandemya.
“Kasi, kadalasan sa ngayon ay nagtuturuan. Gusto magpabakuna, ayaw nila (ibang tao) na mauna. So, sino ang dapat mauna, ‘yung mga opisyales natin,” dagdag pa ng mambabatas.
Aniya pa, nakahanda silang dalawa ni Pang. Duterte na “maging ehemplo” upang makuha ang tiwala ng mga Pilipino na ligtas at epektibo ang mga bakunang nakuha ng bansa.
Kinontra rin ni Go ang intriga ng oposisyon at mga kritiko na sadyang “uunahin” na mabigyang proteksyon laban sa COVID-19 ang mga opisyales ng gobyerno.
“Alam n’yo, not because kaming mga opisyales ay prayoridad sa bakuna.
Hindi po dapat ‘yan. Pero bilang isang ehemplo, to get the confidence of the Filipino people, ang mga opisyales, si Pang. Duterte, si Sec. Galvez, Sec. (Francisco) Duque ay dapat po manguna sa pagpapabakuna,”
Muli ring tiniyka ni Go na lahat ng Pinoy ay mabibigyan ng bakuna, magmula sa mga ‘frontliners’ hanggang sa pinakamahihirap na pamilyang Pilipino/
“Sinisigurado muna natin na safe at effective itong bakuna, safety at efficacy ng bakuna ang uunahin natin.
Ngayon, kung certified na ito na safe ay sisiguraduhin namin ni Pang. Duterte na mauuna ang frontliners, mahihirap at madi-distribute po ‘yan all over the country.”
“Huwag (din)n natin pabayaan ang mga kababayan nating mga mahihirap, lalo na ‘yung mga ‘isang kahig, isang tuka’ at ‘yung mga nasa malalayong lugar na hindi alam saan kukuha ng bakuna.
‘Yung iba po, hindi pa alam kung ano ito. Sisiguraduhin nating walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon,” diin pa ng mambabatas.