TULUYAN nang natapos ang dating “alyansa” ng mga Duterte sa hanay ng mga prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP) matapos tumanggi si Davao City mayor, Sara ‘Inday’ Duterte na sagutin pa ang mga patutsada ng ‘Bagong Alyansang Makabayan’ (Bayan) sa Katimugang Mindanao (Bayan-Southern Mindanao Region).
“Di na ako matubag ana ui. Dili importante ilang comments” (Hindi ko na sasagutin ‘yan. Hindi importante ang kanilang mga komento),” ayon kay Mayor Inday sa panayam ng Davao media noong Abril 5, 2021.
Ang “resbak” ni Mayor Inday ay matapos maglabas ng pahayag ang Bayan-SMR na “pagwawaldas” lang ng pera ng taumbayan ang pondong higit P1.6 bilyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa mga barangay sa lungsod na dating kanlungan ng teroristang CPP at ng armado nitong puwersa, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB/NPA).
Bagaman naisapubliko na noong pang Pebrero ng NTF-ELCAC kung para saan ang nasabing halaga, nagtatanong pa rin ang grupo kung “saan” ito gagastusin ng pamahalaan.
Sa pag-amin na rin ni Jose Maria Sison, ang nagtatag ng Partido Komunista, ang Bayan ang pinakamalaking “pambansa demokratikong puwersa” (national democratic force) na itinayo ng PKP.
Ginawa ni Sison ang kanyang paghahambog sa isang talumpati sa Europa noong 1987, matapos siyang palayain ni Pang. Corazon Aquino, kasama ang iba pang mga lider-komunista.
Matatandaan naman na dating may magandang ugnayan ang mga Duterte sa mga komunista sa Lungsod ng Davao at sa buong Mindanao at maging kay Sison, dahilan upang suportahan ng PKP-BHB ang kandidatura ng ama ni Mayor Inday na si Pang. Duterte sa eleksyong pampanguluhan noong 2016.
Sa pahayag naman ng NTC-ELCAC, tatanggap ng tig-P20 milyon ang 82 barangay sa Davao City na makikinabang sa ‘Barangay Development Program’ (BDP) ng ahensiya.
Nakatuon ang BDP sa pagtulong na makabangon at umunlad ang mga komunidad sa buong bansa na dating balwarte ng PKP-BHB.
Batay naman sa kahilingan ng mga residente, ang bulto ng halaga ay gugulin sa mga pagawaing-bayan katulad ng kalsada (P1 bilyon), malinis na suplay ng tubig (P347.5 milyon); pagtatayo ng mga paaralan (P192.5 milyon);
Pagamutan sa mga komunidad (health center), P37 milyon; suplay ng kuryente sa mga liblib na lugar (rural electrification), P30 milyon; at, mga ‘evacuation centers’ sa panahon ng kalamidad (P25 milyon).
Naglaan din ng P1 milyon para sa iba pang mga proyekto sa mga makikinabang na komunidad.
Ayon pa kay Mayor Inday, ang mga nabanggit na proyekto ay “nakasentro sa tao” (human- centered) sa mga lugar na palagiang nangangailangan ng tulong ng gobyerno upang makarating sa kanila ang kaunlaran at kapayapaan.