Reporma sa energy sector asahan sa susunod na taon

Pagbabayad ng kuryente hanggang Disyembre pa
TINIYAK ni Sen. Sherwin Gatchalian na magkakaroon na ng reporma sa industriya ng enerhiya sa bansa sa susunod na taon.

Sa panayam noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 6, 2020, sa ginanap na ‘media forum’ ng National Press Club (NPC), sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, na inaasahang magsisimula nang “ibaon” sa ilalim ng lupa ng mga electric cooperatives (ECs) at distributors ang mga kawad ng kuryente bilang pagsunod na rin sa itinatakda ng RA 11039 o ang ‘Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund’ na naging batas noon pang 2017.

Sa mga nalathala, may paunang pondong ibinigay ang Kongreso na P750 milyon para pondohan ang mga plano at hakbangin ng mga ECs upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa suplay at serbisyo ng kuryente sa publiko.

Kabilang na sa mga paghahanda na itinutulak ng batas ay ang pagbabaon sa ilalim ng lupa ng mga kawad at kable ng kuryente upang mabawasan na ang paulit-ulit na pagkaputol ng suplay ng kuryente dahil sa mga nasirang poste at kable ng kuryente sa tuwing may dumarating na bagyo.

Ayon pa rin kay Gatchalian, nakausap na rin niya ang Department of Energy (DOE) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) patungkol naman sa mga poste ng kuryente na naiiwan pa ring nakatayo sa mga kalsada sa tuwing may isinasagawang ‘road expansion project’ ang DPWH.

Pinansin ni Gatchalian na bunga nito, maraming “pinalapad” na kalsada ang hindi rin naman nagagamit ng publiko at mga motorista dahil sa mga naiwang poste ng kurytente at nagsisilbi na lang na ‘parking lot’ ng mga sasakyan at sa mga probinsiya, bilang “bilaran” ng mga inaaning palay at mais ng mga magsasaka.

“May pondo na para dyan at inaasahan natin na sa susunod na taon ay masisimulan na yan,” banggit pa ng mambabatas.

Muli ring ipinaalala ni Gatchalian na dahil na rin sa inisyatiba ng kanyang komite, pumayag ang mga electric power distributors, kasama na ang Manila Electric Company (Meralco), na pahabain pa ang deadline ng pagbabayad ng mga nakonsumong kuryente ng publiko hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Disyembre.

Matatandaan na “binaha” ng reklamo ang tanggapan ni Gatchalian at ang Meralco dahil sa mga kuwestyunableng ‘electric billing’ ng kumpanya sa higit 6-milyon kostumer nito noong panahon ng ‘lockdown’ dahil sa COVID-19 pandemic.

Una nang nagsabi ang Meralco na ‘extended’ ang pagbabayad sa mga kuwestyunableng paniningil nito hanggang sa buwan ng Oktubre subalit pumayag sa panukala ni Gatchalian na pahabain pa ito hanggang sa buwan ng Disyembre.

Ang pagpapalawig, ayon pa sa mga mambabatas ay upang matulungan ang mga kostumer ng mga ECs at DUs (distribution utilities) na maibsan ang problemang pinansiyal dahil hindi pa rin naman natatapos ang pandemya.

Comments (0)
Add Comment