MISTULANG “inabswelto” ni Pang. Duterte si House Senior Deputy Speaker at Cavite Rep. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla sa pagbubulgar nito na bukod sa “hakot” at mga “bayaran” ay nilahukan din ng mga “aktibista” ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ‘campaign rally’ ni Vice President Leni Robredo sa Cavite noong Marso 4, 2022.
Sa ekslusibong panayam ni Pastor Apollo Quibuloy kay Pang. Duterte sa SMNI news channel noong Marso 11, 2022, kinumpirma ng Punong Ehekutibo na may natanggap siyang impormasyon na totoo ngang nilahukan ng mga komunista ang nasabing campaign rally.
“Ang sadyang kinatatakutan ko, ang report sa akin ng intelligence community…ang pagsasama ng mga komunista at itong mga Dilawan,” anang Pangulo.
Bagaman opisyal na tumatakbong ‘independent’ si Robredo bilang pangulo sa halalan ngayong Mayo 9, 2022, siya ang opisyal na kandidato ng kanyang partido, ang Liberal Party na mas kilala sa paborito nitong kulay na “dilaw.”
Ipinaalala pa ng Pangulo na ang CPP ay isa nang “teroristang organisasyon” kaya marapat lang na bantayan ng pamahalaan ang ano mang galaw nito.
“Maari silang manggulo, kasi mayroon na silang ugnayang sa mga Dilawan at ang eleksyon (sa Mayo 9) ang talagang layunin nila,” dagdag pa ni Pang. Duterte.
Matatandaan na sa panayam ng media kay Remulla noong Marso 5, 2022, walang pasubali nitong ibinulgar na may mga aktibista mula sa hanay ng CPP na lumahok sa rali ni Robredo at mga Dilawan, bukod pa nga sa binayaran at hinakot ang mula sa ibang lugar sa labas ng Cavite ang iba pang dumalo upang lumikha ng impresyon na lumalakas ang kandidatura ni Robredo.
Ang pagbubulgar naman ni Remulla ay kinumpirma rin ni Sen. Panfilo Lacson.
Bukod sa tumtakbo ring presidente, si Lacson ay tubo ring Cavite, katulad ni Remulla, kaya alam ang nangyayari sa nasabing lugar.
Diin pa ng Pangulo, bagaman hindi niya matitiyak na magiging mapayapa ang halalan, hindi niya papayagan na magkaroon ng mga insidente ng terorismo sa araw ng eleksyon.
“Pupuntahan ko talaga kayo,” babala pa nito sa mga nagbabalak ng kaguluhan.