‘Subasta Galore’ sa Maynila

Harrison Plaza, campus ng City College of Manila, naibenta na rin pala?
HINDI lang ang Divisoria Public Market ang eskandalosong naibenta ng tambalan ni Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Ma. Shielah Lacuna sa kanilang unang termino.

Ayon kay Atty. Alex Lopez, bukod sa Divisoria na ibinenta sa halagang P1,446,996,000.00 (P1.447 bilyon) ng Manila City Hall noong Oktubre 16, 2020, dapat ding isapubliko ng administrasyong Moreno-Lacuna ang detalye ng bentahan sa lote ng Harrison Plaza sa Malate at sa nasunog na campus ng City College of Manila (ngayon ay Unibersidad de Manila, UDM) sa Escolta.

Ani Lopez, ang inaasahang susunod na alkalde ng lungsod at kandidatong mayor ng Partido Federal Party (PFP) ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr., bukod sa “hindi makatarungan” (unjustifiable), “wala” ring “konsensiya” (unconscionable) ang ginagawang pagbebenta ng kasalukuyang liderato ng Maynila sa mga ‘patrimonial’ at ‘prime assets’ ng lungsod.

Katwiran naman ng kampo ni Moreno at Lacuna, ibinenta nila ang Divisoria Public Market upang tustusan ang ‘pandemic response’ ng Maynila laban sa COVID-19 at ayuda para sa mga Manilenyo sa panahon ng lockdown.

Subalit, ani Lopez, kung talagang walang pera ang lungsod upang tugunan ang pandemya kaya napilitang magbenta ng mga ari-arian nito, bakit nagawang gumastos ng P1.7 bilyon para sa “rehabilitasyon” ng Manila Zoo.

“Mukhang mas importante pa sa kanila ang kalagayan ng mga hayop (sa Manila Zoo), kumpara sa buhay at kabuhayan ng mga Manilenyo,” dagdag pa nito.

Pinasubalian din ng mga vendors sa Divisoria na dumaan sa tamang proseso ang subasta ng Divisoria katulad ng public hearing sa kanilang hanay.

Anila pa, karamihan sa kanila ay “minana” pa sa kanilang mga magulang at mga “ninuno” ang kani-kanilang mga puwesto subalit bigla na lang nawala sa kanila dahil sa aksyon ni Moreno at Lacuna.

Sa mga reklamong nakarating kayLopez, nalaman lang ng mga vendor na naibenta na pala ang kanilang mga puwesto sa Divisoria ng makatanggap sila ng ‘’Notice to Vacate’ (eviction order) sa bagong may-ari nito, ang Festina Holdings, noong isang taon.

Sa resolusyon ng Manila City Council, dalawang parsela ng lupa na pag-aari ng pamahalaang lungsod ang naibenta sa Festina Holdings. Sa Ilalim ng Resolution 171, binigyang kapangyarihan si Moreno na ibenta ang may higit 8,000 metro kuwadrado ng Divisoria Public Market habang higit 3,700 metro kuwadrado naman ang pinayagang ibenta rin ni Moreno sa bisa ng Resolution 180. Ang pag-apruba ng konseho ng mga resolusyon ng pagbebenta ng mga pag-aari ng Maynila ay pinangunahan ni Kon. Joel Chua, bilang Majority Leader.

Ang Konseho ng Maynila ay nasa ilalim naman ng pamumuno ni Lacuna bilang presiding officer nito. Si Lacuna rin ang kandidato ni Moreno bilang mayor sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.

Batay sa Section 5 ng ‘Deed of Absolute Sale’ na aprubado ni Moreno at pinatunayan ni Bernardito ‘Bernie’ Ang bilang kalihim ni Moreno, binigyang garantiya ng Manila City Hall ang pagsasalin sa Festina Holdings ng Divisoria Public Market nang wala na itong mga magtitinda sa loob ng anim na buwan matapos malagdaaan ang kasunduan.

Lumagda naman para sa Festina Holdings ang chairman nito na si George Chua.

“The Vendor (Manila City Hall) shall obtain and deliver to the Vendee (Festina Holdings) full possession of the lot upon signing hereof.

“It shall terminate all the leases and deliver to the Vendee the full possession of the basement of the building free and clear of lessees, tenants, vendors, claimants and occupants not later than six (6) months from the signing hereof,” saad pa ng nasabing probisyon.

Hamon naman ni Lopez, dapat lang na isapubliko ng City Hall ang iba pang mga ari-arian ng lungsod.

Tiniyak din  ni Lopez na agad niyang bibiguin ang mga kuwestyunableng transaksyon nina Moreno at Lacuna pagkatapos ng halalan.

“Karapatan” din umano ng mga apektado sa mga ginawang pagbebenta ng City Hall sa mga ari-arian ng lungsod na magsampa ng kaukulang reklamo, katulad ng pandarambong (plunder) sa mga korte at tanggapan ng Ombudsman.

Comments (0)
Add Comment