‘10-Pillars Economic Agenda’ ng Team Isko, “inilatag” na!

PABAHAY, Edukasyon, Trabaho, Kalusugan at Turismo.

Ilan ito sa nilalaman ng 10 pillars of his Bilis Kilos Economic Agenda ng Team Isko na siyang papatnubay at maliksing kikilos upang mapabilis ang pagbangon at paglago ng ekonomiya ng bansa kung sa Mayo 2022 ay ihalal na pangulo si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Isusulong din niya, sabi ng 47-anyos na kandidato ng Aksyon Demokratiko ang Creatives, Infrastructure, Digital Information and Industry 4.0 (CIDII), Agrikultura, Matino at Matalinong Gobyerno.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon, 1.3 percent ng gross domestic product (GDP) ay ipopondo sa Pabahay kada taon na magtatayo ng isang milyong matitibay na bahay laban sa kalamidad sa loob ng anim na taon.

Aabot sa 4.5 milyong palaboy, 3 milyon sa kanila ang nasa Metro Manila ang mabibiyayaan ng programang ito, sabi ni Yorme Isko.

Mga proyektong tulad ng itinayong Tondominium, Binondominium at Basecommunity ang ipatatayo sa maraming lugar sa bansa, at ang mabilis na pagpasa ng National Land Use Act to fast-track settlements development.

***

Upang mabigyan ng tama at sapat na kakayahan at talino ang kabataang estudyante, itatampok ang edukasyong maghahanda sa mabilis na kaalaman sa digital transformation, pagawaan, produksiyon at katulad ng industriya na makikilala sa tawag ng “Industry 4.0.”

Itataas niya ang badyet ng edukasyon sa 4.3 percent mula sa 3.17 percent upang mas mapalawak ang kalidad ng pagtuturo at marebisa ang curricula sa lahat ng baytang ng akademya na mas nakatutok sa siyensiya, teknolohiya, enhinyeria at matematika (STEM) program.

Itataas ang pagtuturo at programa sa mga kursong technical at vocational upang mapahusay ang kaalaman sa trabaho at kasanayan ng manggagawang Pilipino.

Magiging tuloy-tuloy ang pagsasanay at pag-aaral ng mga guro sa mga paaralang publiko.

Palalakasin sa patnubay ng administrasyong Moreno ang small and medium enterprises (MSMEs) na nagbibigay ng trabaho at hanapbuhay sa 63 porsiyento lakas paggawa sa bansa.

Upang mangyari ito, P30 bilyon ang ipopondong pautang sa MSMEs at pabibilisin at maayos ang proseso ng pagpapatakbo ng negosyo.

Bibigyan ng maraming pagsasanay at pagpapahusay sa kaalaman at propesyonalismo ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Bukod dito, tutulong ang gobyernong Moreno sa paghanap, deployment sa mas ligtas at mataas na pagkakitaang trabaho para sa overseas Filipino workers (OFWs).

Tuloy-tuloy na Ayuda (cash assistance) ang ibibigay sa mga pamilyang apektado ng pandemyang COVID-19.

***

Sa Kalusugan, target ni Yorme Isko na magtayo ng mas maraming ospital, health care center sa buong bansa, at mabigyan ng dagdag na 107,000 kama sa mga ospital sa unang 1,000 araw ng administrasyong Moreno.

Isang doktor sa bawat 1000 Pilipino at magbigay ng iskolarsip sa 10,000 estudyanteng nais maging doktor, at mas mataas na sahod sa mga narses at trabahador sa mga ospital, klinika, laboratoryo at iba pa.

Maliksing kilos para maging ligtas sa pandemya ang lahat ng Pilipino sa Disyembre 2022 at buksan muna ang hanapbuhay, trabaho, industriya at nang maibangon ang ekonomiya.

Matatag na industriya ng Turismo ang itatatag ng administrasyon sa pagtatayo at pagpapaganda ng mga lugar-turismo, paghikayat ng maraming investment sa paggawa ng mga kalsada, tulay, at iba pa, kasama ang malakas na koneksiyon ng Internet, telepono, mahusay na suplay ng kuryente at iba pang pasilidad sa mga sentro ng kalakalan at komersiyo.

Bukod dito ang pagtatayo ng de primera klaseng paaralan, ospital, uunahin din ang pagbuo ng power plants upang masiguro ang walang putol na suplay ng murang elektrisidad para mapalakas at mapasigla ang ekonomiya, at makaakit ng malalaking investor at makalikha ng maraming oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Itatag ng administrasyong Moreno ang malakas na digital infrastructure na magkokonekta sa lahat ng paaralan, mga ahensiya at opisina ng gobyerno at ng industriya na umaasa sa malakas at mahusay na Internet connectivity.

Palalakasin ang pag-usbong at paglago ng mga kabuhayan sa Visaya at Mindanao sa paggawa at mabilisang pagtatayo ng mga tulay, kalsada, pantalan, paliparan, at iba pang imprastruktura ay isa sa priyoridad ng administrasyong Moreno.

Pasisiglahin ang industriya sa pagdaragdag ng badyet sa research and development (R&D), pati na ang mga negosyong kailangan ang artificial intelligence (AI) sa loob ng limang taon.

***

Sa Agrikultura, paliliitin ang gastos sa produksiyon upang lumaki ang kita ng mga magsasaka; pagbibigay ng walang luging kapital; pagtatayo ng maraming patubig at pagpapahusay sa sistema ng irigasyon at pagtatayo ng bagong Department of Fisheries and Aquatic Resources.

Kikilos ang gobyerno upang maturuan ang mga magtatanim ng mga bagong teknolohiya upang mas mapataas ang ani at maiugnay sa mga negosyanteng bibili ng kanilang produksiyon.

Tanging matatalino, mahuhusay at may karanasan at mapagkakatiwalaang Pilipino ang bubuo sa kanyang Gabinete, pangako ni Yorme Isko.

Meritocracy, Equity, Diversity and Inclusion (MEDI) ang hahawak ng mahahalagang posisyon sa mga ahensiya ng gobyernong Moreno.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment