Sen. Alan, nagbabala sa bagong ‘budget syndicate’

HINDI na yata talaga mauubusan ng paraan ang ilang mga taga-gobyerno na makakulimbat mula sa pondo ng bayan, dear readers.

Nakita na natin sa mga nakaraang taon ang sari-saring mga iskandalo tulad ng Fertilizer Fund Scam noong 2004, ang NBN-ZTE Scam noong 2007 sa termino ni PGMA; Pork Barrel Scam noong 2013 sa panahon ni PNoy at ang ‘Parking Scam’ sa pambansang badyet noong 2019 sa termino naman ni Pangulong Rody.

Aber, kung hindi naagapan, malamang na nakulusot din ang Sugar Scam na binalak palusutin ng ilang mga kurimaw sa kaagahan ng termino ni PBBM, hindi ba, mga kabayan?

Umani ang lahat ng mga ito ng batikos mula sa taumbayan at nahubaran na rin naman ang ilangg mga sangkot at mayroon pa nga na mga nasibak, nakasuhan at nakulong dahil sa mga ito katiwaliang ito.

‘Yun nga lang, kahit delikado at nagdadala ng malaking kahihiyan sa angkan at pamilya, aba’y “ratsada” pa rin sa “pag-iimbento” ng mga paraaan ang mga sagad-sagaring korap sa loob ng ating burukrasyta—kasehodang “buwis-buhay” pa nga ang maging ultimong kabayaran.

Hmm. Sadya sigurong napakalaki ang “napipitas” sa pera ng taumbayan kaya kahit iligal, delikado at imoral, hindi mapigilan sa pandarambong ang mga mapagsamantala sa goyerno?

Gaano kalaki kamo? Ayon kay dating Deputy Ombudsman Cyril Ramos, noong 2019 ay umaabot ang halaga sa P700 bilyon kada taon—20 porsiyento ng pambansang badyet—ang napupunta sa bulsa ng mga tiwali.

Sa madaling salita, aabot, mga kabayan, sa bente pesos sa bawat ‘sandaang piso, ay nauuwi sa bulsa ng mga gahaman sa loob ng burukrasya na sana’y nagamit para sa serbisyo-publiko.

Kung ganyan kalaki nga naman ang halaga, hahanap at hahanap ang ilan sa atin ng paraan para makakupit.

Mabuti na lang din at matalas ang “pang-amoy” ni Sen. Alan Peter Cayetano na matagal na ring kaaway ng mga korap.

Kung may ‘parking scam’ na nangyari sa pambansang badyet noong 2019 kung saan ang pondo ay “nakaparke” lang kalimitan sa PS-DBM o di kaya naman ay sa PITC, “pinalawak” na umano ito ng mga ‘bright boys (and girls)’ na ang target umanong “paglaruan” ay ang daang bilyones na badyet ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

Dahil masasabing “panis” na (at bistado) na ang nangyari noong 2019 kung saan masasabing “barya” lang ang pinag-uusapang halaga (remember the Pharmaly Scandal, dear readers), eh, ngayon daan-daang bilyones na ang pinag-uusapan, ayon pa kay Cayetano.

Kung dati rin, aniya pa, ang estilo ay daanin sa ‘budget insertion’ sa pamamagitan ng bicameral conference committee ng Kongreso, nakakaalarma—at nakakakulo ng dugo, ayon pa kay Cayetano, na sa budget proposal pa lang ng Ehekutibo (national expenditure program, NEP), may “nakatengga” (nakatago) na panukalang badyet!

Ayon pa kay Cayetano, may mga distrito na babawasan ng hanggang 90 porsiyento ang ‘budget allocation’ pero, sa dakong huli, “lalapitan” at “kakausapin” na ibabalik ang pondo—pero kailangang na ang ano mang proyekto, ang magtatrabaho ay ang “nabasbasan” na contractor!

Sanamagan, ano kaya ang masasabi dito ni DBM secretary Ben Diokno at DPWH secretary

Manny Bonoan?

Nagtataka rin ang mga miron na bakit kailangan pang si Sen. Alan ang “makaamoy” sa anomalyang ito samantalang beterano at ‘old hands’ na d’yan sa DPWH itong si Bonoan?

Hmm. Hindi kaya dahil nga ‘antagal na sa DPWH nitong si Bonoan, “manhid” na sa malansang amoy ng koraspyon doon? Nagtatanong lang naman tayo at ‘always welcome’ sa atin ang kanyang paliwanag—kung gusto niya, hehehe!

Ang duda ni Cayetano at ng maraming nagsumbong sa kanya?  May “sindikato” sa likod ng bagong pandarambong na ito.

Teka lang, Sen. Alan, hindi pa ba ‘obvious’ yan, hehehe! Dangan kasi, hindi naman “lalakas ang loob” ng mga nagpapakana nito kung wala naman silang “Samson” bilang “bosing,” hindi ba?

Sa ganang atin naman, dapat agad na ring kumilos ang Senado at si Senate Blue Ribbon Committee chair, Sen. Francis Tolentino para mahubaran ang “pasabog” na ito ni Sen. Alan.

Bago maging huli ang lahat.

Abangan!

Comments (0)
Add Comment