Smuggling, hoarding, profiteering, ideklarang ‘economic sabotage!’

PAANO nga ba masusugpo o mababawasan ang smuggling — na sa totoo lang, ito ay isang napakabigat na trabaho kung saan ilang ‘task force’ na ang naitayo, pero bahagya lang natigil at sa katagalan, naging mas talamatk pa kumpara sa dati.

Tinangka itong sugpuin sa panahon ni Pres. Cory Aquino nang itayo niya ang Economic Intelligence and Investigation Bureau (EIIB) na ang naging trabaho ay kumalap ng impormasyon at mag-imbestiga sa smuggling.

Sa simula, okay ang naging trabaho ng mga namuno nito na ipinagpatuloy sa panahon ni Pres. Fidel V. Ramos.

Nagpatuloy ang trabaho ng EIIB na marami sa kargamentong nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) — legal man ang papeles ng mga iyon ay minatyagan at muling binusisi ang operasyon ng mga hinihinalang smuggler at mga kasabwat sa BoC.

Sentido kumon lang: kung walang kakutsaba ang tiwali sa loob ng Customs, at iba pang ahensiya ng gobyerno, tiyak walang iligal na produkto at kargamentong maipupuslit.

Numero unong ugat ay sabwatan kapalit ng malaking halaga ng salapi kaya nailulusot, napapalusot ang smuggled goods.

Sabwatan din na kapalit ang milyon-milyong salapi kaya ang mga kaso laban sa mga kontrabandista /ilegalista kahit naisampa na sa korte, nababalewala dahil nawala ang mga ebidensiya o kaya, may nangyaring “mahika” sa kaso.

Kaya sa panahon ni Pres. Joseph Estrada, binuwag ang EIIB sa bintang na kasabwat na rin ng mga smuggler ang ilang opisyal nito, at ipinalit ay isang Anti-Smuggling Task Force na hindi na natin nalaman kung naging epektibo bunga ng nangyaring Edsa Dos.

Dumating at umalis sina Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at Pres. Noynoy Aquino, nagkaroon din ng maraming anti-smuggling task force, nagkaroon ng maraming imbestigasyon sa Kamara at Senado, may natukoy na mga pangalan, mga magkakasabwat at may mga kinasuhan.

Pero walang gaanong report kung ano ang nangyari sa mga taong gobyerno na kasangkot at kinasuhan sa korte.

Eskandalo ang mga paratang na mismong hepe ng Customs at matataas na opisyal nito ang kung hindi pabaya at may kinalaman sa malalaking bulto ng ismagling, hindi lang ng produktong agrikultura kungdi bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu at iba pang nakababaliw at nakamamatay na ilegal na droga.

May mga nagbitiw na Customs Commissioner at pinalitan sila at iba pang matataas na opisyal ng Aduana sa panahon ni Pres. Rodrigo Duterte, pero hindi rin nasugpo ang ismagling.

Eto tayo ngayon sa panahon ni Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na sa nakaraang imbestigasyon ng Senado at ng Kamara, nakagugulat na mga dating pangalan ang lumutang sa ismagling ng sibuyas at bawang at iba pang agri products.

Batay sa rekord ng Kamara, lumutang ang pangalan ni alyas Leah Cruz na kilala sa tawag na “Mrs. Sibuyas” na noong 2015 ay siya ring itinurong smuggler queen.

Kinasuhan na sa korte si Cruz at iba pa pero walang balita kung ano na ang nangyari sa mga kasong naisampa.

May report ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ni Cruz pero wala nang ingay ang tungkol sa mga ebidensiyang hawak ng ahensiyang ito — nawala ba o naitago?

***

Kasalukuyan, sa pag-upo ni Customs Commissioner Bienvenido ‘Bien’ Rubio, masigla, matindi ang kilos ng ahensiya laban sa ismagling at katiwalian.

Sa ilang araw na pag-upo ni Comm. Rubio, marami ang nasabat na kontrabando at may mga kakasuhan na, at bunga nito, nagpahayag ng pagtitiwala sina Sen. Joseph Victor ‘JV’ Gomez Ejercito at Sen. Jinggoy Ejercito Estrada na paiigtingin pa ang kampanya laban sa mga kontrabandista.

Nito lang isang araw, Php171 milyong ipinuslit na red, white onions, carrot mula sa China ang di nakalusot sa matang agila ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) — Manila International Container Port (MICP).

Lintik, mula na naman sa China ang ipinuslit na kargamento at tiyak, di mangyayari iyon kung walang kasabwat sa loob ng Customs, sa Bureau of Plant Industry (BPI) at sa Department of Agriculture (DA).

Upang masuportahan si Comm. Rubio, nagmungkahi ang Senado na magtayo si PBBM ng Agricultural Smuggling Task Force at ang Supreme Court naman ay iminungkahing magbuo ng isang Anti-Agricultural Smuggling Court.

Sabi ni Sen. Cynthia Villar, kailangan ang anti-smuggling TF at special anti-agricultural smuggling court para maging brasong dudurog sa mga smugglers, profiteers at hoarders.

Economic Sabotage ang smuggling, hoarding at price manipulation na siyempre, malakas ang loob dahil sa mga kasapakat sa loob ng gobyerno, bukod sa daan-daang milyong salapi na magagamit nila para isalba ang kanilang sarili at makapanuhol upang mabaluktot ang batas.

Kaya tama na magbuo ang Department of Jusctice (DoJ) ng mga batikang tropa ng prosecutor na tutulong sa task force sa pag-uusig sa mga tiwali sa loob at labas ng gobyerno.

Tama rin ang plano ni PBBM na itodo na ang suporta sa agri sector para maparami, mapasigla at bukod sa mapalakas ang ani nang hindi na tayo umasa sa importation.

Yang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Competition Commission (PCC) ay dapat ding tumulong upang laging nakasubaybay sa pagtatago ng produkto at manipulasyon ng presyo sa pamamagitan ng paglikha ng artificial shortage.

Kung maparurusahan ang mga ismagler, mga kasabwat na tiwali sa gobyerno, mapasisigla ang ating agri farmers na magpursigeng doblehin ang kanilang ani nang mangyari na ang nais na food security.

Dapat walang awa na ang maging trato sa ismagler, at sa mga sindikato, panawagan ni Sen. Villar.

At may mungkahi na gawing awtomatiko na kasong smuggling o kasong economic sabotage ang misdeclaration, devaluation at iba pang palusot ng mga importer.

Nais ni Sen. JV Ejercito na amyendahan ang RA 10845, at lumikha ang Inter-Agency Council on Economic Intelligence na uusig sa ismagler, kasama rito ang BoC, DoJ, NBI, DA, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), PCC, National Security Council and National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Sa batas na nais ni Sen. JV, economic sabotage ang hoarding, profiteering, mga cartel ng asukal, mais, lahat ng agri products, karne ng baboy at manok, isda at iba pang angkat na pagkain.

Naniniwala naman si Sen. Jinggoy na sa husay ni Comm. Rubio na dating director BoC’s Port Operations Service (sa ilalim ng Assessment and Operations Coordinating Group) magagampanan nito nang maayos ang kampanya laban sa ismagling.

“I hope Commissioner Rubio will be able to guard our ports effectively against agricultural smuggling,” ani Sen. Estrada.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment