Abalos, nanawagan sa PNP

MAHIGIT isang taon na tayong pinapahirapan ng pandemya pero bakit  marami pang nakukuhang basura sa pampang ng ating mga lawa at sa Manila Bay pagkatapos ng malalakas na pag-ulan sa Maynila at karatig pook?

Saan kaya nanggagaling ang mga basura?

Sa laki ng Manila Bay, mahirap bantayan 24/7 para mahuli ang mga nagtatapon ng basura sa lawa ng Laguna, halimbawa.

Noong nakaraang linggo, dalawang trak ng basura ang nakuha sa pampang ng Manila Bay.

Ang mga basura, na karamihan ay mga plastik, ay napadpad sa pampang pagkatapos ng ilang araw na pag-ulan sa Luzon at iba pang parte ng bansa.

Kaya nga nananawagan si MMDA Chairman Benhur Abalos sa PNP na hulihin ang mga nagtatapon ng basura sa Manila Bay.

Ang gusto ni Abalos ay paglinisin doon ang mga mahuhuling nagtatapon ng basura.

Bantayan din ang mga sasakyang dagat na nagdaraan sa look ng Maynila.

Baka naman sila ay nagtatapon rin ng basura sa labas ng Manila Bay, inaanod lang sa pampang ang mga basurang ito.

Malaking problema talaga ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.

Tingnan din ang mga mall, hotel at restaurant sa Pasay, Parañaque at Manila.

Hangga’t nandyan ang walang patumanggang pagtatapon ng basura sa mga kanal at lawa, lalong lalala ang problema natin sa pagbaha.

***

Hirap talaga ang taumbayan dulot ng COVID-19.

Maraming walang trabaho dahil hindi makaarangkada ang mga negosyo.

Hindi basta nakalalabas ang mga tao dahil sa takot sa COVID-19.

May mga negosyong nagbubukas pero nagsasara din dahil sa kakulangan ng kostumer.

Hanggat nandiyan ang pandemya, asahan na nating mananatili ang kahirapan sa bansa.

Pabor ito sa mga tuso at mayayamang kakandidato sa darating na halalan.

Kaunting barya lang, matutuwa na ang mga gipit na botante.

Ano kaya ang magagawa natin para huwag makabingwit ng mga botante ang mga tusong kandidato? Isip-isip din mga taga-Commission on Elections.

Sa ganang atin naman, nasa botante na yan!

***

Noong nakaraang Miyerkules ay nakasakote ang Bureau of Customs-Port of Davao ng mga sibuyas.

Nagkakahalaga ng P4.9 milyon, ang mga sibuyas ay nakalagay sa apat na 40-footer containers.

Dumating sa Tefasco Wharf ang mga sibuyas noong Hulyo 19.

Ang shipment ay idineklarang naglalaman ng pastries.

Pero natuklasan ng mga taga-BoC-Davao na sibuyas pala ang laman ng mga container.

Inisyuhan kaagad ni Collector Erastus Sandino Austria ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang nasabing kargamento.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0969-0377083/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

 

Comments (0)
Add Comment