Ang mga ‘overstaying’ sa ‘acting positions’ sa Aduana, bow!

WOW, naman, paanong hindi ka mapapangiti sa tuwa, kasi talagang totohanan ang anti-smuggling campaign ng Bureau of Customs (BoC) dahil sa sunod-sunod na pagharang at pagkumpiska sa mga ipinuslit na kontrabando.

Makakaligtas ba sila, e parang mata ng agila ang Customs Intelligence at Enforcement Groups at talagang siniseryoso nina Commissioner Bienvenido Rubio, Deputy Commissioners Atty. Vener Baquiran, Atty. Edward James Dy Buco at iba pang depcom ang utos ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tugisin, kasuhan at ipakulong ang mga ismagler, mga tiwali at ogags sa aduana.

Nitong Marcso 21, Martes, nasabat ng Enforcement and Security Service ng Port of Zamboanga ang isang de-motor na bangka na tangkang ilusot ang 141 na kahon ng puslit na sigarilyo.

Worth P4.9 milyon ang kontrabando.

Sa BoC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA), binigo ng magkasamang tropa ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tangkang palusutin ang ilang kilo ng shabu na halagang P3.495 milyon.

Arestado ang claimant at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA No. 9165).

Sa BoC-Clark, ipinadala sa PDEA ang nakumpiskang marijuana by-producs noong Miyerkoles, Marso 22 na sa tantiya, aabot ng P120,185.44.

Nitong Huwebes, Marso 23, isang negosyante ang kinasuhan sa Department of Justice (DoJ) sa ilegal na importasyon ng 13 container na may lamang asukal.

Tatlong mabibigat na kaso ang isinampa ng Aduana sa pamamagitan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS).

Ang galing nyo, pag ganyan ang trabaho nyo na walang paltos sa paghabol, pagdakip sa mga loko, mababawasan na ang ismagler sa BoC.

Noon ding Huwebes, Marso 23, inireport ng mga opisyal ng Sub-Port of Mindanao Container Terminal, Cagayan de Oro na kanilang napigil ang isang container na counterfeit goods declared as ‘Garments (Trousers) na mula sa Bangladesh na may halagang P48.9 milyon.

Noong Huwebes din, inaresto ang isang Koreano sa pag-iingat ng hindi idineklarang US$167,300 (P0.196 milyon), hayun, kulong ang damuho.

***

Teka, balitang maraming opisyal sa BoC ang walang ganang magtrabaho, opo, ‘demoralized’ sila, kaya ilang opisina ang low performance.

Kalat na kalat ito, at ang dahilan, Commissioner, Sir Rubio at DepCom Atty. Baquiran: Kasi po, ang daming overstaying na ‘acting’ PA, lagpas na sa takdang taon sa Aduana eh, andun pa rin sa kanilang mga puwesto.

Kampante sila sa puwesto — na nai-appoint ng nakaraang mga komisyoner/administrasyon — at ang masamang epekto nito, yung mas qualified na COOV e nakatunganga at wala nang tsansang umasenso.

Tinukoy ng mga apektadong COOV na ayon sa regulasyon, ang mga walang plantilla position, isang taon lang mauupo at aalisin na sa puwesto.

At sa Administrative Order no. 06-2022 at sa rules and regulations ng Civil Service Commission (CSC), eto ang sabi: “For positions without incumbents, a designation may be made only for a maximum of one (1) year.”

Mai-eextend sa puwesto ang isang opisyal o kawani sa panahon ng exigency o matinding pangangailangan pero hanggang dalawang taon lamang iyon at ang ipinuwesto ay dapat nang alisin at/o ilipat sa ibang trabaho o ibalik bilang examiner, tutal nagkukulang sa examiners ang kawanihan.

Eh ang nangyayari po, Comm. Rubio at DepCom Baquiran, kumbaga sa manok e tinubuan na ng tahid o kung sa bato (hindi batugan) e tinubuan na ng makapal na lumot ang mga naipuwesto sa mahigit nang dalawang taon.

Kaya ang pakiusap ng mga apektadong opisyal, baka naman, baka naman po, mailipat na, masunod ang sinasabi ng mga batas.

Sabi nga raw, ‘familiarity breeds contempt’ at ‘yan po, Sir Commissioner Rubio, Sir DepCom Baquiran ang nangyayari sa maraming opisina sa Customs.

Sana raw po, magawan ng paraan ito, kasi marami nang nabuburaot at nagmamarakulyo sa mga qualified pero nakanganga lang na parang nag-aantay ng patak ng ulan sa mainit na disyerto.

***

Ups, bakit daw sa opis ng vice governor ng Cavite at sa opis ng Sangguniang Panlalawigan, iisa lang ang paboritong weekly newspaper na binibigyan ng ipa-publish ng Ordinance at/o Resolution.

Maging noong panahon pa ni dating VG now Cavite District 1 Cong. Jolo Revilla, iisa lang daw publisher ang kumukubra ng approved Ordinance for publication.

Ibang grupo, hindi taga-Publishers Association of the Philippines Inc. ang nagrereklamo, at dalawang national weekly newspaper sa Las Pinas at sa Paranaque ang etsa puwera kahit pa kumpleto rekados sa mga dokumento, rejected agad ang request.

Bawal yan, ayaw ng ganyan nina Gov. JonVic Remulla at VG Athena Tolentino, lagot kayo!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment