Ang “palpak” sa LTO at ES ‘VicRod,’ “nakakabilib”

KABI-KABILA na naman ang mga problema at kontrobersya na bumabalot sa Land Transportation Office (LTO). At siyempre kapag may problema ang mismong ahensya, tiyak na malaki rin ang epekto nito sa publiko, partikular na ang milyones na mga nagri-renew ng mga lisensya at nagri-rehistro ng mga sasakyan sa buong bansa.

Sa ngayon ang isa sa mga malalaking problema sa LTO ay ang napakabagal na pag-proseso ng mga transaksyon dala ng napakabagal na internet connectivity,

‘Yun nga lang, sa halip na mga ISP (Internet service providers) at mga telcos ang “latiguhin” ang LTO system provider na Dermalog ang “pinagdiskitahan” ni LTO chief, Teofilo Guadiz—pag-upo pa lang niya sa puwesto, aguy!

Hmm. kasalanan ba talaga ng Dermalog ang kasalukuyang mga problema na bumabalot sa LTO?

Sa unang tingin ay dapat nga silang sisihin dahil sila ang IT provider at tungkol sa Land Transportation Management System (LTMS) na kanilang ginagamit sa ahensya  ang may mga isyu at problema.

Pero sa mga ginawang ‘internal study,’ lumalabas na may iba pang mga dahilan kung bakit nagkakaproblema sa LTO ngayon, kasama na umano rito ang posibilidad ng “sabotahe.”

Ayon kay Atty. Nikki De Vega na siyang itinalagang spokesperson ng Dermalog, gumagana ng maayos ang kanilang LTMS na dinisenyo upang mapadali at mapagaan ang proseso ng pagri-rehistro ng sasakyan at renewal ng lisensya, dahil lahat ng ito ay magagawa na sa online.

Kung “okay” naman pala ang LTMS ng Dermalog, ano ba talaga ang dahilan ng pagbagal ng mga transaksyon sa LTO?

Lumalabas sa pagsusuri ng management information division ng LTO at maging ng kanilang mga IT consultants, na walang kinalaman ang Dermalog sa pagbagal ng interconnectivity sa ahensya.

Nabisto kasi na may mga computer ang LTO na hindi galing sa Dermalog ay nagagamit pala ng ilang “maayos” na empleyado nila sa pag-download ng mga programa na hindi dapat at ginagamit nila sa kanilang mga raket, bukod pa yung “pampalipas ng oras,” hehehe!

Ang resulta ay “nagbabara” (clogging) ang LTO network kaya bumabagal ang daloy ng mga kailangang impormasyon sa ibat-ibang sangay ng ahensya maliban pa sa napasok na rin ng malware o mga virus ang sistema.

Kaya naman ang solusyon na naisip ng Dermalog ay paigtingin ang kanilang mga firewall at bawat isang computer ay may angkop na anti-virus system at tiyakin na bawat empleyado na hahawak ng mga computer ay gagamitin lamang ito sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang trabaho. Korek!

At dahil may “katigasan ang ulo,” naniniwala ang mga miron na hindi magagawang mag ‘I-am-sorry’ nitong si Guadiz sa ginawa niyang paninirang-puri dito sa Dermalog, hehehe, ayy, huhuhu! Bagaman, abangan natin!

***

Kung dismayado ang mga Pinoy dito kay Guadiz— na ayaw pa ring pumayag na irehistro ang mga sasakyan na “inilarma” ng LTO bago lumabas ang TRO ng Korte Suprema laban dito sa ‘NCAP’ (no contact apprehension program, aka, nasa camera ang pera) noong Agosto 30—natutuwa naman tayo at kahit mga senador ay muling “napabilib” ni ES Victor ‘VicRod’ Rodriguez.

Nito kasing Martes, Setyembre 6, hangos na nagtungo sa Senado si ES VicRod upang muling humarap sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil pa rin sa isyu ng ‘SO-4’ (Sugar Order No. 4) na, take note, dear readers, “siya” mismo ang nagbisto kaya ibinasura ni PBBM.

Para sa mga kaaway sa pulitika ni PBBM, pilit nilang ginagamit ang nasabing isyu upang sirain ang kanyang kredibilidad at administrasyon sa pagpipilit nilang isabit si ES VicRod sa anomalya.

Kumbaga, estilong ‘indirect attack’ ang gusto nila kung saan nagtagumpay pa nga si Sen. Rissa Hontiveros, ang kasalukuyang lider ng mga Dilawan, na “urutin” ang Senado na mag-isyu ng subpoena kay ES VicRod noong isang linggo matapos hindi siya makadalo sa ikalawang pagdinig ng komite.

Pero hindi na hinintay ni ES Vic ang subpoena dahil kusang-loob na itong nagpunta sa Senado at ang inaasahang manggigisa sana na sina Senate Minority Leader Koko Pimentel, Senators Alan Peter Cayetano at Hontiveros ay ‘maayos’ ding nasagot ng malumanay na Executive Secretary.

Dahil sa testimonya ni ES Vic, lalo pang “nakamal” si ex-SRA administrator, Hermenegildo Serafica, na kulang na lang ay akusahang “sinungaling” ng mga senador, wahh!

Bakit kanyo, eh, ibulalas ba naman na hindi lang 300,000 tonelada, bagkus, 600,000 tonelada pa nga ang “gusto” (daw) ipa-angkat ni PBBM!

Sa puntong ito ay harapang binara nina Senate President Migz Zubiri at Blue Ribbon Committee chair Senator Francis Tolentino si Serafica.

Mahirap nga naman kasing paniwalaan na kung ‘yun ngang 300,000 tonelada ng asukal, inayawan ni PBBM, 600,000 tonelada pa kaya? Ano ba naman, Mr. Serafica sir? “Epekto” ba ng COVID yan, hehehe!

Nailinaw din ni ES VicRod ang isyu ng pagsibak sa kakutsaba, ehek, kapwa SRA official ni Serafica na si ex-DA undersecretary Leocadio Sebastian, ang “utak” ng SO-4, kaya “kumbinsido” ang mga mambabatas na walang bagahe at itinatagong ‘skeleton in the closet’ si ES VicRod sa isyu ng asukal.

Dahil sa matapang na pagharap ni ES Vic sa Senado, kumbinsido ang mga senador na tapusin na imbestigasyon dahil malinaw na nagsasayang na lang sila ng laway at siyempre, ng pera ng publiko sa isyung ito.

Ayon pa nga sa miron, mas mainam na dito na lang nila lustayin ang kanilang oras sa patuloy na pagbusisi sa anomalya ng mga ‘outdated laptops’ na binili ng nakaraang DepEd (Department of Education) sa halagang P2.4 bilyon na nabisto ng COA.

At kung balak naman ng oposisyon na ang “ipitin” dito ay si DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte, para lang “magpapogi” sa publiko at upakan si PBBM eh, “mag-isip muna kayong mabuti” mga bosing. ‘You will have a real fight in your hands,’ wika nga!

Abangan!

Comments (0)
Add Comment