Ang “resibo” ng “Ale,” resibo ni Yorme Isko!

Ang “resibo” ng “Ale,” resibo ni Yorme Isko!
KAMAKAILAN ay nagpakita ng “resibo” ‘yung “Ale” sa CityHall ng Maynila, at susmaryosep, kung sa isang bahay, puro repair lang, walang gaanong bago at kung mayroon man, mga programa at proyekto pa ni dating Yorme Isko Moreno Domagoso, noong siya ang alkalde (2019-2022).

Sa Housing, yung dating iskwater, nakatira sila sa Basecommunity; Binondominium 1; at sa Tondominium 1 & 2 at sa magagarang Residences sa Pedro Gil, San Lazaro, at San Sebastian.

Mala-condominium ang housing unit na ito, de-aircon, de elevator pa, at ang daming amenities.

Pinakamatindi ang naipakitang Bilis-Kilos ni Yorme Isko noong pandemyang COVID (2020-2021) sa larangan ng HealthCare, eto: Sta. Ana Dialysis Center, Bagong Ospital ng Maynila, Flora Valisno Dialysis Center.

Alam ba ninyo, 52-araw lang, sa halip na 60-araw, naitayo, nakumpleto ang Manila COVID-19 Field Hospital!

Si Yorme rin ang nag-inisyatiba nang ‘drive thru vaccination’ laban sa COVID19 na dinayo ng mga taga-Bulacan, Cavite at kahit ng mga taga-Laguna.

Sa agad-agad at mabilis na kilos ni Yorme Isko — at saksi rito ang Ale sa Cityhall –, natanyag ang Maynila sa buong bansa sa maagap na kilos laban sa pandemyang nagligtas ng libo-libong Pilipino.

Samantala, ang serbisyo ng mga dialysis centers ay naramdaman din ng mga taga-labas ng Maynila. Ganyan ka-compassionate ang Moreno administration noon. Eh ngayon? Bahala na si “Batman?”

***

Sa larangan ng Edukasyon, madadaig ba ang Maynila sa panahon ni Yorme Isko?

Balikan natin: Monthly allowance sa mga nasa Grade 12, at mga enrollees ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) at ng Universidad de Manila (UDM).

May free tablets ang mga estudyante, kasama ang free bandwidth, at laptop sa mga titser.

Nagpatayo si Yorme ng mga gusaling paaralan, ito ang 10 storey (fully airconditioned) Manila Science High School, Dr. Alejandro Albert Elementary School, Rosauro Almario Elementary Scool.

Samantala, ang 10-storey Ramon Magsaysay High School Bldg, na inumpisahan ni Yorme, 3 taon na ngayon ang nakalipas, hindi pa rin tapos.

Eto naman ang “resibo” sa Social Welfare: Food Security Program; Tirahan ng mga batang hamog at taong lansangan; libo-libong trabaho para sa Manilenyo dahil sa maraming “Build, Build Program” ni Yorme.

Idagdag natin ang City Amelioration Crisis Assistance Fund, Wifi connection sa España at sa Bonifacio Shrine at ang kalingang monthly allowance sa mga Senior Citizens, Persons with Disabilities at sa mga Solo Parents.

Mahigit na P100 miluon din na donasyon sa charity na kinita ni Yorme mula sa kanyang mga product endorsements — na itinulong sa mga biktima ng bagyo at kalamidad sa ibang probinsiya.

Kumbaga, ang pagmamahal at kalinga ni Yorme ay extended sa lahat ng Pilipino.

***

Eto naman ang hinangaan ng marami, maging ng mga taga-labas ng Maynila na redevelopment at turismo:

Masarap magkape sa Kapetolyo, Anda Circle, Plaza Morga, Jones Bridge, Mehan Garden, Hidden Garden, at pinagandang Manila City Hall, Plaza Moriones, Plaza Salamanka, Riverlane Foodbridge; Pasig River Esplanade, Lagusnilad Underpass, Citywide cleanup drive, Baseco beach esplanade, Manila Zoo Rehabilitation at Redeveloped Clock Tower.

Eto pa: Makeover ng Bagong Buhay Sports Complex, Capiz lighting sa mga parke at road islands, clearing operations sa mga sidewalks at ang proyektong hanggang ngayon ay nararamdaman at napapakinabangan — ang Lighting ng Taft Ave., España Blvd., Carriedo, Rizal Ave., Kalaw St., Recto Avenue, R. Papa at marami pang iba.

May ganito bang “resibo” ang Ale sa Manila CityHall at yung isang nagmamalaking pilantropo raw?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).