Ang simula ng ‘Bagong Simula’

BINABASA ninyo ito, dear readers, katatapos lang ng ating pambansang halalan. At inaasahan natin na sa pagtatapos ng linggong ito, “may linaw” na kung “sino” ang ating magiging bagong pangulo, ikalawang pangulo at 12 na mga bagong senador.

Talagang mahalaga ang ating eleksyon dahil ito lang ang mapayapang paraan upang maisulong ang mga kailangang mga reporma at pagbabago sa ating bansa.

Ito lang din ang tanging panahon kung saan “magkapantay” sa “kapangyarihan” ang mga mahihirap at mga elitista at mga oligarko dahil sa prinsipyo ng ‘one man, one vote,’ sa tuwing eleksyon.

Ang tanong naman natin, “nagbago” na kaya ang masamang gawi ng ating mga kababayan, partikular ang mga mahihirap at mga nasa probinsiya na ginagawang mahalagang “kalakal” ang kanilang mga boto tuwing eleksyon?

Isa sa nga kasing magsawa pa ring katotohanan na dahil hindi alam ng mga botante ang kahalagahan ng boto nila, ibinebenta nila ito sa mga kandidato; kapalit ng limang daang piso, isanglibo o higit pa (may mga lugar na umaabot pa nga sa 5 hanggang 7 libo ang bayaran ng boto), payag na silang ibenta ang kanilang kinabukasan at ng kanilang pamilya sa susunod na 3 hanggang 6 na taon,

O sadyang wala na lang silang pakialam? Dangan nga kasi, mahirap paniwalaan na hanggang ngayon, hindi pa rin alam nitong mga “bentador” ng boto na “babawiin” naman ng mga korap na kandidato sa kaban ng bayan ang ibinayad sa kanila, hindi ba mga kabayan?

Bagaman, gusto nating maniwala na higit namang mas marami sa ating mga Pilipino ang “gusto” talaga ng pagbabago at sa partikular, na magpatuloy ang mga isinulong na reporma at mga pagbabago ni Pang. Rody sa nakaraang 6 na taon.

At krusyal sa lahat ng ito ay ang kanyang nasimulang kampanya laban sa iligal na droga, korapsyon at ang kanyang ‘independent foreign policy.’ Ang polisiyang ito, kung saan walang itinuturing na kaaway ang Pinas at bagkus ay kaibigan ng lahat ang susing dahilan kung bakit una, nalampasan natin ang krisis ng Marawi Siege noong 2019 at ikalawa, ang higit na dalawang taon na krisis na dala ng COVID-19.

Sa ganitong punto, bagaman nga ang resulta ng eleksyon ay ang “simula” ng “bagong simula” para sa ating lahat, nangangahulugan din ito na ang pagpapatuloy ng mga matino at wastong programa at polisiya ni Pang. Rody ang kailangan natin upang maging mas mabilis ang  ating pagsulong at pag-unlad bilang isang bansa.

Dapat kasing maisantabi na ang masamang asal ng mga bagong administrasyon na dahil hindi sa kanila mapupunta ang kredito, ibinabasura at binabatikos pa nga ang mga naabutan nilang mga programa ng umalis na administrasyon.

Ganyan ang naging karanasan natin matapos ang EDSA Uno noong 1986 at nakita naman natin ang resulta— “naiwan” na tayo sa “kangkungan” ng ating mga karatig-bansa.

Sa mga susunod na araw, makikita natin sa resulta kung talagang naging ‘politically mature’ na tayong mga Pinoy o nanatili pa rin tayong mga ‘political pygmies.’

Abangan!

Comments (0)
Add Comment