HALOS tatlong linggo na ngayon matapos ang ginawang ‘joint operation’ ng NBI, BOC, BSP, at PCG sa isang ‘compound’ sa Bgy. Laging Handa, Quezon City kung saan 7 mamahaling sasakyan na hinihinalang mga ‘smuggled,’ ang nakumpiska noong Oktubre 1, 2021.
At mas matindi pa rito, aabot sa higit P50 milyon na “barya” (Philippine coins) sa iba’t-ibang denominasyon ang inabutan din ng ‘raiding team.’
Ayon sa mga opisyal ng BOC, ngayong linggo ang ‘lapse’ ng kanilang palugit upang maipakita ng nagpakilalang “may-ari” ng mga sasakyan ang mga dokumento na hindi “pinalusot” ang mga ito sa pantalan.
Sakaling mabigo, hindi tayo magtataka na ang mga sasakyang ito ay maisama sa mga ‘luxury vehicles’ na iniutos ni BOC Comm. Jagger Guerrero na wasakin upang hindi na mapakinabangan o pag-ugatan pa ng korapsyon sakaling idaan pa sa ‘auction.’
Kaya ang “payo” natin sa “lumutang” na may-ari, “paspasan” mo, bosing, dahil ikaw rin ang kawawa, hehe!
(Kahapon ay “napurnada” ang pagsira ng 7-luxury vehicles sa POM, kasama ang isang Ferrari Scuderia na higit P10 milyon ang halaga).
***
Kung “malinaw” ang kaso na isasampa ng gobyerno at pagkumpiska sa mga sasakyan sa nangyaring operasyon sa “Kyusi” noong Oktubre 1, eh, lumalabas na hindi lang “lumalabo,” bagkus, nagiging “magulo” ang kaso nitong mga ‘hoarded coins,’ DOF secretary Sonny Dominguez at BSP governor, Ben Diokno.
Dangan nga kasi, kasamang Aya Yupangco, hanggang ngayon pala, “hindi magkasundo” ang BSP at NBI kung anong kaso ang isasampa sa mga lumutang naman na “may-ari” nung mga nakumpiskang “barya.”
“Umeksena,” ehek, nagpakilala kasi itong ‘Pirouette Corporation,’ isang ‘STL’ (small town lottery) operator at “inako” ang mga nasabing barya na umano ay “kinita” nila mula sa jueteng, ehek, STL.
Nalaman pa nga natin na noong Oktubre 11, 2021, sumulat pa itong si Maria C. Guinto, presidente ng Pirouette, kay PCSO chair, Royina Garma, at inirereklamo, ehek, nagpapatulong sa PCSO na maibalik na sa kanila ang sako-sakong barya at maideposito na ito sa kanilang bangko.
Take note, dear readers: Ang prangkisa nitong Pirouette para sa STL ay sa lalawigan ng Quezon (Quezon province) at hindi sa Quezon City.
Hindi ba kataka-taka na “ibibiyahe” pa nila itong tone-tonelada at sako-sakong mga barya ng higit 140 kilometro (mula Lucena City hanggang Quezon City) para lang doon itago? Aber, wala bang bangko sa Lucena City at mga karatig-lugar?
At bakit kailangan pang mabisto ng mga awtoridad, umabot ng higit P50 milyon, bago nila “naisipan” na ideposito na ito sa bangko?
Kumbaga, Pirouette ba talaga ang may-ari o baka naman, “prente” lang, katulad ng hinihinalang ‘front’ lang din ang nagpakilalang may-ari ng mga nakumpiskang sasakyan?
Kung tama ang hinala ng mga miron, eh, malinaw na ‘obstruction of justice’ yan o ‘conspiracy to obstruct justice,’ anila pa. Tama nga ba, DOJ secretary, Menardo Guevarra, sir?
At kung may kasamang dokumento, eh, ‘perjury’ yata ang tawag ‘dun, Mr. Secretary?
“Nakakagulo” rin ang sinasabi ng mga miron na “pananahimik” nitong AMLAC at BSP sa isyu.
Bakit kanyo? Eh, ang BSP kasi at AMLAC ang sinasabing mga ‘expert’ sa ‘financial crimes’ pero sila, hanggang ngayon, wala pa ring mairekomendang kaso, hehehe, ayy, huhuhu!
Sa pahayag pa nga ng BSP, “wala” pa kasing batas ang ‘Pinas—hanggang ngayon—laban sa ‘currency/coin hoarding.’
Translation dear readers? “Hindi bawal” ang mag-imbak ka ng kuwarta, partikular ang mga barya, kasehodang umabot pa ito ng P50 milyon o higit pa—at maapektuhan ang ating ekonomiya.
Kung tama ang posisyon ng BSP at AMLAC, hindi sakop ng batas laban sa ‘economic sabotage’ — katulad ng Proclamation 2456, series of 1985) ang ganitong estilo.
Eh kung ganito ang “katwiran” ng ating awtoridad, baka “maresbakan” pa ang ‘raiding team’ ng kasong ‘illegal raid,’ ‘illegal search and seizure,’ paglabag sa karapatang pantao, etc., etc., aguy, aguy, aguy!
Hmm. Bakit kaya nagmistulang mga “tolongges” at “bopols” itong BSP at NBI sa isyung ito? Baka naman… may nangyaring ‘dial-a-friend,’ kaya biglang nawala ang kanilang “talino?”
O may ilan sa kanila na naghihintay ng “pampatalino,” ano sa tingin mo, Boss Joey Venancio?
Panukala naman ng iba, hindi ba puwede na mag-inisyatiba na lang itong BSP at palitan ng ‘paper money’ ang mga nasabing barya o kaya naman ay gawan ng paraan na makabalik ito sa ating ‘money circulation?’
Aber, hindi birong halaga ang nawalang higit P50 milyon sa ating ekonomiya!
Abangan!