‘Anyare po, Pang. Duterte?

ITO ang tanong natin sa ating mahal na Pangulo.

Binantaan po ninyo ang PLDT-Smart at Globe Telecommunications na kailangan na sa katapusan ng Disyembre 2020, “maayos” na ang ‘internet speed’ at ‘interconnectivity’ ng mga ‘telcos’ na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila.

Magagandang praise releases lamang ang improvement na naibigay ng dalawang giant telecom companies, at walang naging pagbabago.

Babawiin ba ng gobyerno ang prangkisa ng Globe at Smart, at gobyerno ang magpapatakbo sa operasyon nila, tulad ng banta ni Tatay Digong?

Ito ang kinasasabikang marinig ng taumbayan mula kay Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Samantala, pabor tayo sa panukala na bukod sa pagkastigo, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na ‘Internet speed’ sa bansa.

Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakulelat kung bilis ng internet connection ang pag-uusapan.

Ang mabilis na koneksiyon ay hindi na isang bisyo o kapritso lamang: ito ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ayon na rin sa United Nations, partikular ngayon na na tayo ay nasa mundo na mabilis ang mga pagbabagio ng teknolohiya ng komunikasyon.

Kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.

Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.

***

Ang average mobile internet speed natin sa Pilipinas ay 18.49 megabits per second (Mbps) at sa ranking, lumalagapak tayo sa puwestong No. 110 sa hanay ng 139 bansa.

Ibig sabihin, mabagal ang serbisyo na nakukuha natin sa paghahatid-mensahe na gamit ang ating cellphone.

Konti lamang ang abante natin sa Indonesia sa 17.45 Mbps nito.

Ito ang lumabas sa Speedtest Global Index na kada isang buwan ay sinusuri ang fixed broadband speeds sa buong mundo.

Sa huling ranking ng Speedtest, No. 1 ang United Arab Emirates sa 170.30 Mbps at usad kuhol sa speed na 6.31 Mbps ang Afghanistan.

Ayon pa sa Speedtest, mabilis lang tayo nang bahagya sa mga bansang Bolivia, Namibia, Haiti, Panama, Rwanda, Uganda, Sudan at sa Afghanistan.

Ang karaniwang bilis ng internet connection sa mundo, ayon din sa Speedtest ay 45.69 Mbps at ang regional average naman ay 30.94 Mbps sa 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa average speed na 28.69 Mbps, nasa buntot tayo sa puwestong No.103 sa 176 bansa, at dito, No. 1 ang Singapore sa 241.10 Mbps at nasa buntot sa speed na 3.47 Mbps ang Turkmenistan.

Sa Southeast Asia, tanging ang Cambodia (25.31 Mbps) at Indonesia (23.32 Mbps) ang may slower fixed broadband speeds, bukod sa Pilipinas.

***

Malaki ang kasalanan ng National Telecommunications Commission (NTC) kaya superbagal ang internet connection natin.

Hindi nito kinakastigo at inoobliga ang Globe at Smart na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asya.

Kaya suportado natin si Makati Rep. Luis Jose Angel N. Campos Jr. sa kanyang panukala na utusan ang NTC na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.

Batay sa market research company Statista projects, tataas mula sa 65.38 percent hanggang 80 percent ang gagamit ng cellphone mula ngayon hanggang 2025.

Sa panukala ni Campos, kung mabigo ang ‘service provider’ na makuha ang takdang hagibis ng internet speed targets bawat taon, ang pataw na multa ay gawing P1 milyon kada araw o P365 milyon.

Matitigil lamang ang multa kung magawa ng mga telcos ang target na tulin ng internet speed.

***

Pinansin nga ng World Bank sa ‘Philippine Economic Update’ nito noong Hunyo 2020 na malaki ang papel ng mas mura at mas mabilis na internet speed upang makabawi agad ang bagsak nating ekonomiya bunga ng masamang epekto ng pandemyang COVID-19.

Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ekonomiya kung mahusay ang serbisyo ng Globe at PLDT-Smart; sa kasalukuyan, ayon sa World Bank, nasa mahigit na 73 milyon ang internet users sa Pilipinas.

Tungkol sa banta ni Pangulong Duterte, nais nating malaman ang gagawin ng gobyerno ngayon na kitang-kita na hindi nakatupad ang dalawang higanteng ‘telecommunications company’ na maging hagibis sa tulin ang internet connection tulad ng kanilang ipinangako.

Nakadepende sa husay at pagsabay natin sa ‘digital world’ ang buhay at kamatayan ng ating bansa ngayong lugmok na tayo sa utang, at maraming negosyo, industriya at hanapbuhay ang patuloy na pinapatay ng “veerus” ng COVID-19.

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment