Atty. Ferdie Topacio, NPC director; Ibon mang may layang lumipad …  

SA umiinit na dispute o agawan sa teritoryo sa dagat ng West Philippine Sea (o tinatawag na South China Sea), di ko maiwasang maalaala ang isang makabayang tula, ito ang “Bayan Ko” na iniakda ng mambabalagtas, makata at makabayang si Jose Corazon de Jesus na kilala sa bansag niyang ‘Huseng Batute.’

Isinulat ito ni Huseng Batute noong 1929 sa wikang Espanyol at naisalin sa ganitong titik, at kung ating maalaala, naging tampok na awitin ng protesta at pakikibaka laban sa diktadura ni Ferdinand ‘Macoy’ Marcos Sr. noong dekada 70 na tumagos hanggang dekada 80 hanggang sa pagbalikwas ng taumbayan sa binansagan na ‘EDSA People Power Revolution’ noong 1986.

Ngayon ay nagmaliw na ang sigla ng awiting ito na nagpaapoy sa makabayang Pilipino sa harap ng maliwanag na agresyon at pandadarag ng China sa usapin ng agawan sa WPS.

Nahahati ang bayan sa dispute na ito at nagkalat ang misinformation at propaganda na panig o kontra sa sigaw na “Atin ang West Philippine Sea” at ang pahayag ni Presidente Feedinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi niya isusuko ang kahit ilang dangkal ng pag-aari natin sa karagatang ito.

Ito na ang panahon na kailangan nang ihayag natin — para ba tayo sa pagpapanatili ng ating kalayaan, at ang paglaban sa mga nais na tayo ay sakupin?

Hindi na kailangang pag-alinlanganan ang intensiyon ng China, lalo na ngayon, ayon sa huling balita, muli na namang nagsagawa ng delikadong maniobra ang mga barko ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal sa pangkat natin na magdadala ng mga supply sa nakabahurang BRP Sierra Madre.

Ating suportahan ang panawagan na ilantad ni dating Presidente Rodrigo ‘Roa’ Duterte ang sinasabing “secret agreement” nito tungkol sa Sierra Madre, at ano pa ang kanilang pinag-usapan ni Chinese President Xi Jin Ping.

‘Wag tayong pumayag na ang Ibon ng Kalayaang Malayang Lumilipad ay Maikulong sa Hawla ng Pagka-alipin.

“Ibong mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak /Bayan pa kayang sakdal dilag/Ang di magnasang makaalpas.

“Pilipinas kong minumutya/Pugad ng Luha at dalita/Aking adhika /Makita kang sakdal laya…

***

Sa Mayo 5, ngayong taon, iniaalok ni Atty. Ferdinand ‘Ferdie’ Topacio ang kanyang sarili na maging isa na maihalal sana bilang ‘independent’ na kasapi ng 10-man Board of Directors (BOD) ng ating National Press Club (NPC).

Kung ating pagtitiwalaan mga kapatid sa NPC, ito ang ilan sa mungkahing proyekto na nais niyang maipatupad:

  1. Palakasin pa ang Scholarship Program para sa mga kasapi ng NPC at kanilang (mga) anak na nais makatapos ng kolehiyo. May mga scholarship grants ang Kongreso at Senado, maanong maihingi ng pondo para sa programang ito na malaki ang maitutulong para matamo ang magandang kinabukasan ng mga kasapi at ng kanilang pamilya.
  2. Tayo sa media ay di-maiiwasang makaranas ng problema bunga ng mabigat na dalahin sa ating trabaho, kaya mungkahi niya — sana magtayo ng programa o seminar at counselong sesssion sa mga kasapi kaugnay ng mental health at stress management.
  3. Sa tulong ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), magawa ng NPC ang malawakang kampanya sa press freedom, etika ng pamamahayag upang mapabuti ang kaalaman ng mga kasapi ng mga lokal na media organization sa mga siyudad at lalawigan.
  4. Magkaroon ng Ethics Training and Workshops upang mas palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kasapi ng NPC ukol sa tamang pag-uulat, paggalang sa privacy ng mga indibidwal, at iba pang respetong dapat na ibigay sa mga pribadong tao na nasasangkot sa insidente, kriminalidad at iba pang opensa sa batas.
  5. Magkaroon ang NPC ng katuwang na proyekto sa iba-ibang sektor, tulad ng NGOs, mga ahensiya ng gobyerno upang makakuha ng magaang na tulong pinansiyal sa mga kasaping kinakapos sa buhay.
  6. Marami tayong kasapi na nagpapakita ng katapatan at kasanayan bilang mamamahayag, kaya ang mungkahi niya na magkaloob ng media awards sa at pagkilala sa kanila. Magkaroon sa NPC ng annual awards para sa mga kasapi nito at maging sa mga di-kasaping media practitioner tulad ng photographer, editor, at iba pang obrero sa media na nagpakita ng husay at expertise sa kanilang trabaho, bukod ito sa mga awards at pagkilala na ibinibigay tuwing anibersaryo ng NPC.
  7. Magtayo sa NPC ng isang Media Cooperative. Lumikha ng Food Assistance Fund na duon, maaaring makabili ng bigas at iba pang basic commodities sa murang halaga, lalo na sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis.
  8. Magtayo ang NPC ng Emergency Assistance Fund para sa mga kasapi na kailangan ang agad-agad na tulong sa panahon ng krisis at matinding personal na kalinga. Ang pondo mula rito ay maaring makuha mula sa tulong o ayudang pondo mula sa gobyerno na inilalaan ng Kongreso, at ito ay maaaring iisponsor ng mga kapatid sa media na miyembro ng partylist.
  9. Programa na magbibigay ng health at insurance policy sa mga regular at lifetime members ng NPC.
  10. Magtayo ng satellite offices ang NPC sa mga lalawigan at siyudad na pamamatnugutan ng isang opisyal ng samahan o ng hihiranging office manager nito sa patnubay ng Pangulo ng NPC para maipabatid ang mga problema at karaingan ng mga lokal na samahan ng media sa mga siyudad at lalawigan.

Ang mga mungkahing programang ito ay titiyakin ni Atty. Ferdie Topacio na maisusulong kung mabibigyan ng pagkakataong mabigyan siya ng tiwala ng mga kapwa kasapi sa NPC.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).