MARAMI ang natutuwa sa ginagawa ng Bureau of Customs (BoC) na pag-turnover sa PNP-FEO ng mga forfeited na pailaw at paputok.
Sino ba ang hindi matutuwa eh, alam naman natin na puwedeng maging sanhi ng kamatayan, pagkasugat o pagmulan ng sunog ang paggamit ng mga paputok at pailaw sa panahon ng Kapaskuhan.
Alam ito ng mga taga-BoC kaya noong nakaraang linggo ay nagturn-over ang MICP sa pamumuno ni District Collector Romy Rosales sa pulisya ng mga paputok at pailaw na nagkakahalaga ng P60 milyon.
Ang mga paputok at pailaw ay nakalagay sa labin-dalawang 40-footer container van.
Siyam dito ang naka-consigned sa Stellent Corporation habang tatlong containers ang naka-consigned sa Grinder Stone International Trading.
Ang mga kumpiskadong paputok at pailaw ay mga misdeclared.
Inabandona na lang ng mga consignee ang mga paputok at pailaw nang wala silang maipakitang import clearances.
Ang turn-over rite ay dinaluhan ng mga taga-MICP at PNP-FEO.
Kabilin-bilinan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ang mahigpit na pagbabantay sa mga port of entry.
Ayaw niyang makalusot ang mga kontrabando, lalong-lalo na ang mga iligal na droga.
Ang gusto pa nga ni Pangulong Duterte ay barilin ang mga taong nasa likod ng illegal drug trade.
Paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Duterte ang masamang dulot ng mga ipinagbabawal na gamot.
Kaya naiintindihan natin kung bakit sobra ang galit Mayor Digong.
Malapit na siyang umalis sa Malakanyang pero nandiyan pa rin ang problema sa iligal na droga.
***
Marami pa rin tayong kababayang ang matitigas ang ulo.
Alam nilang sobra ang higpit ng BoC sa mga iligal na droga pero sige pa rin sila.
Kaya naaresto ang isang nagngangalang Kevin dela Cruz nang i-claim niya ang isang paketeng naglalaman ng high grade marijuana.
Ang suspek ay inaresto habang tinatanggap niya ang paketeng naglalaman ng marijuanang nagkakahalaga ng P808,000 sa isang warehouse sa Pasay City.
Galing sa Markhem, Canada, ang paketeng idineklarang naglalaman ng “4M kids labs remote control detector robot kit.”
Pero nang idaan sa X-Ray scanning machine ay may nakitang “suspected images of dangerous drugs.”
Dahil kahina-hinala, binuksan agad ito at nakita nga ang marijuana
Ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ni NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan at mga ahente ng PDEA at NAIA Inter-Agency Task Force.
Ito ang 96th drug bust ng BoC-NAIA mula noong 2018.
***
Walang sementeryo, memorial parks at kolumbaryo ang magbubukas sa Maynila mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng covid-19.
Taun-taon, tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day, ay milyun-milyung tao ang pumupunta sa mga sementeryo para dalawin ang kanilang mga patay.
Pero maagap si Manila Mayor Isko Moreno kapag kapakanan ng taumbayan ang pag-uusapan.
Siyempre, maraming alkalde na ang magpapalabas ng order na kagaya ng inilabas ni Mayor Isko.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08&yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).