‘Bakit ko siya pepersonalin?’—Atty. Gadon

NOONG Biyernes, Disyembre 11, 2020, isa sa mga ‘panelists’ sa Meet the Press/Report to the Nation Media Forum ng National Press Club si Atty. Larry Gadon—na ngayon ay ‘proud regular member’ na rin ng NPC, yeheyy!

Inimbita natin si Atty. Larry dahil ‘all over the news’ na naman siya sa mga nakaraang araw matapos sampahan ng kasong ‘impeachment’ sa Mabababang Kapulungan si Supreme Court Associate Justice Marvin Leonen.

Ang mga reklamo ay ‘culpable violation of the Constitution’ at ‘betrayal of public trust,’ aray ko po!

Sa “panlasa” ng mga miron—sampu ng mga nagbigay ng reaksyon sa social media—“malaki ang tama”–  ni Atty. Larry at ng principal complainant na si newsman Ed Cordevilla, sa planong pagpapatalsik kay Leonen sa Korte Suprema “dahil unang-una, hindi naman talaga siya ‘qualified’ na mapalagay doon,” ayon pa kay Atty. Larry.

Batay sa mga lumabas na ulat, si Leonen—na hindi man lang naging piskal—ang may pinakaraming nakambinbin na mga kaso (higit 80) sa 15 mahistrado ng Korte Suprema na ang iba pa nga ay higit 5 taon na sa kanya subalit ayaw pa rin niyang gawan ng desisyon.

Ayon naman sa Saligang Batas, ang ano mang kaso na nakarating sa SC ay dapat madesisyunan sa loob ng 24 na buwan o 2 taon.

At ayon pa sa pagsasaliksik ni Atty. Gadon, higit isang dekada nang hindi nagsusumite ng kanyang SALN (statement of assets, liabilities and net worth) si Leonen kahit noong propesor pa siya sa UP-Diliman at kahit nang isalpak, ehek, italaga siya ni Noynoy Aquino sa SC noong 2012.

Ang pagsusumite ng SALN ay “obligasyon” ng lahat ng kawani—bosing man o ordinaryong empleyado—ng ating gobyerno.

Kung babalikan din, ang “depektibo” na SALN o ang kawalan nito ang naging dahilan ng pagkatanggal nina dating SC Chief Justice Renato Corona at Ma. Lourdes Sereno.

***

Agarang “minaliit” ng mga Dilawan at ni Leonen ang kasong impeachment laban sa kanya na isinampa nina Atty. Gadon at Cordevilla dahil wala raw itong “sustansiya.”

‘Yun nga lang, isang imbestigasyon ng House Committee on Justice ang makapagpapatunay nito at hindi ang press release ng LP at ni Leonen, hindi ba mga kabayan? Kung agaran itong “ibasura,” eh, di… “malaki ang tama” ng kampo ni Leonen, hindi ba? Eh, kung… “umabante,” paano na, hehehe, ayy, huhuhu!

Hindi rin daw dapat pansinin ang reklamong impeachment dahil “pinepersonal” lang (daw) ni Atty. Gadon si Leonen na siya ring ‘ponente’ sa electoral protest ni “BBM” (Bongbong Marcos) laban kay ‘sitting vice president’ Lenie Robredo.

Si Atty. Larry kasi, mga kabayan, ay bistadong “pro-Marcos” kung saan sa bugso ng kanyang damdamin kahapon, “pinagmumura” pa nga ang mga Aquino, susmariosep talaga, hehehe!

Ayon naman kay Atty. Larry, “bakit” naman niya “pepersonalin” si Leonen, aber?

Samantalang wala naman siyang hawak na kaso na iniipit, ehek, nasa tanggapan ni Leonen?

Wala rin daw kinalaman ang electoral protest ni BBM dahil sadyang hindi nila ito isanama sa reklamo “para hindi makulayan.”

May 34 pang electoral protest na ayaw, ehek, hindi pa rin ginagalaw ni Leonen bilang chairman ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET). At ilan o karamihan sa mga reklamong ito, ang inirereklamo, mga kasapi ng LP, sanamagan!

Ngayon, “sino” nga naman ang “namemersonal” sa isyu, aber?

Comments (0)
Add Comment