Bakit si Yorme Isko?

KUNG popularidad lang ang magiging basehan natin sa pagboto sa isang pangulo, may mas sikat pa ba ngayon kay Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao na kilala sa buong mundo.

Bakit ito ang sinasabi natin: Kasi ang kandidatong dapat nating iboto ay hindi lang dahil sa sikat siya at tanyag o kilala ang kanyang mga magulang.

Sa punongkahoy, totoo ang kasabihan na kung ano ang puno, ito ang bunga – noon.

Kasi ngayong modernong panahon, ang isang puno ng ‘Indian Mango ay maaaring mamunga ng – oo, ng mangga rin, pero pwedeng ito ay manggang kalabaw, manggang piko, manggang supsupin, o manggang apple variety.

Pero may experimento na ang isang puno ng talong ay maaari nang magbunga ng sili at ng iba pang hindi kauring talong.

Kaya nang manipulahin ang genes ng isang puno o halaman, at kahit ang isang tao ay anak ng mga ilustradong magulang, possible na magkaroon ng “genetic failure” at ang matamis na punong mangga ay magbunga ng maasim at bansot na manggang ewan ang itsura.

***

Mahalaga ay competence. Capability. Kakayahan at rekord ng mga nagawa na.

Eh, yung iba, may magaganda bang record sa Kongreso? At ano ba ang nagawa nila at hindi nagawa sa panunungkulan sa pamahalaan?

Nais nilang maging pangulo, ano ba ang kanilang mga programa at batayan upang sabihin na kaya nilang mamuno sa atin—dahil ba sa sila ay “honest” daw at anak ng mga nakaririwasa at dakilang magulang?

May matitinong rekord ba ang mga nais na maging pangulo?

Marami ang nagsasabi, “kakaiba” kung mag-isip at magsalita yung ibang gustong maging pangulo ng bansa, parang may mga “topak” at “praning.”

Nanaisin ba natin na magkaroon ng pangulong praning at may topak?

***

Bakit si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domago ang NaISKO?

Simple lang ang dahilan ng inyong lingkod kaya si Yorme Isko.

May patunay na siya, may maganda siyang nagawa at may kakayahan siya na gawin ang ipinapangako niya.

Mula siya sa angkan ng mahirap, at alam ni Isko kung paano ang maging mahirap – di tulad ng mga ibang lalaban sa panguluhan na “nagpapanggap at nagkukunwaring mahirap.”

Marami nang ginawa at ginagawa si Yorme Isko sa maikling panahon niya bilang alkalde ng Maynila.

Ano-ano ba ang ginawa at naipaglingkod ni Yorme Isko?

Ngayong pandemya, proteksiyon at panatag na kalooban ng daan-daan libong nabakunahan at tiyak na pagkain sa mesa ng Manilenyo.

Trabaho para sa mga nais magtrabaho, tuition-free hanggang kolehiyo at kalinga sa seniors, at mga kapos-palad; maayos na pamamahala at pagtataas ng kalidad sa serbisyong bayan.

Agad-agad na serbisyong medikal; aksyong mabilis na ayuda sa mga nangangailangan, at mabilis na kamay laban sa kasamaan.

May Tondominium, Binondominium at iba pang pabahay project sa mga iskwater; mabilis na disaster response team; may kamay-na-bakal sa mga tiwali si Yorme Isko at may mapagkalingang kamay ng Ama sa maaayos at masunuring lingkod-bayan at mamamayan.

Bilang alkalde ay napagkaisa niya ang Manila Council na magpatibay ng mga ordinansa para sa mabilis na paglikha at pagpondo sa maraming proyekto upang muling itindig ang dangal at ningning ng Maynila – na ang bawat Manilenyo ay mabigyan ng pagkakataon na makapamuhay nang maayos, at tumulong para mapaunlad ang pangunahing siyudad ng bansa.

***

Sabi nila, Yorme is a man in a hurry, at masyado raw itong nagmamadaling maging Pangulo ng bansa.

Eh, kung si Yorme Isko ang katubusan at tatapos ng kahirapan, kadiliman at ligalig na tinatamasa ngayon ng bansa, gawin nating Presidente si Isko.

Kaya niya at pinaniniwalaan at kayang-kaya niyang wakasan ang madilim na bukas ng Pilipinas at palitan ito ng maayang bukas at pag-unlad.

Kung gusto nating maging bahagi ng mainam at malaking pagbabago sa hinaharap para sa kapakanan at pag-unlad ng Pilipinas – kay Yorme Isko na tayo… sama na kayo!

Ikaw NaISko sa 2022.

Pilipinas, God First!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment