Bayani ang bawat Pilipino—Yorme Isko

SA TUWINA sa ‘Listening Tour” ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, idinidiin niya: ‘Sa awa ng Diyos, makatatawid ang pamilyang Pilipino sa krisis ng pandemyang Covid; ‘Wag mawalan ng pag-asa, kahit mahirap ang buhay, may pagkakataon pa para makabangon, ‘wag lang susuko, lagi lang handang magtiis, at ‘wag titigil sa paggawa, ‘wag padadala sa kabiguan.’

Pag-asa, pagtitiwala sa makapangyarihang gawa ng Diyos, ang pagod, ang hirap, mawawala kung matatag ang pananalig sa Ama, sa sarili.

Lagi niyang sinasabi: Tungkulin ng gobyerno ang magbigay ng matapat, pantay na serbisyo at hustisya sa lahat –, yung pantay-pantay na paglilingkod, sa mayaman, pero higit sa mahihirap, at lagi niyang sinasabi, ang kapos sa materyal na bagay ay dapat na mabigyan ng mas malaking basbas ng batas.

Ang batas, sabi ni Yorme Isko ay dapat na lulutas sa problema, maglalapat ng sagot sa daing ng mamamayan, gagalang sa karapatan ng lahat, ayon sa gawang mabuti at masama; at ang sagot sa korapsiyon ay hindi lang ang batas laban sa katiwalian, kungdi ang mabilis na pagdakip, paglilitis nang dumadaan sa legal na proseso at ang pagpapatupad ng batas.

***

Sa “Listening Tour,” mataimtim na pinakikinggan ng alkalde ang mga hinaing, naisin at pangarap ng maraming mahihirap na pamilyang Pilipino, at inilalahad niya ang maiinam na hakbang, ang mabilis na kilos upang masagot ang problema; ang mag-abot hindi lamang ng ayuda, kungdi ang magsagawa ng programa, agad-agad laban sa kahirapan, laban sa sakit, laban sa kawalang pag-asa.

Ang alok niya, pagkakaisa sa lahat, lalo na sa hindi kapanalig, dahil naniniwala si Isko, ang problema ng “Tao,” iyon din ay problema ng gobyerno – na tungkuling lutasin at paginhawahin ang Tao.

Iisang bangka tayo, laging sinasabi ni Yorme, at kung ang kaaway ay hindi kapanalig, kung ang katunggali ay ihihiwalay sa sabayang pagsagwan sa iisang bangka ng mga Pilipino, ito ay mahihirapang makatawid sa daluyong, hindi makararating sa pampang.

Matalinghaga, pero ito ang reyalidad, sabi ni Yorme Isko, kailangan ng lahat ay paglingap, pagtulong, higit sa lahat sa Tao.

***

“Mag-invest tayo sa Tao dahil ang Tao ang gobyerno, Tao ang lakas, Tao ang talino, Tao ang gagawa at kikilos tungo sa pagbabago at pag-asenso,” lagi niyang sinasabi sa mga pagbisita sa mga barangay, bayan at siyudad sa bansa.

Sakripisyo, pagtitiis ang paghimok ni Yorme Isko sa mamamayang Pilipino, at alam niya, may gantimpala ang pagsasakripisyo dahil ito ang ipinakita niya: mula sa hirap ng pagiging basurero, naiangat ang sarili, at ngayon, ibinibida niya, hindi kasalanan ang maging mahirap, pero kasalanan ang manatiling mahirap.

Kung nagawa niya, magagawa rin ito ng mga katulad niyang isinilang sa hirap, sabi ni Isko at ang mahalaga, ‘wag bibitaw sa pangarap, ‘wag padadala sa kantyaw, at laging tumayo kung nadadapa.

Ang maitawid sa pandemya, ang mapagaang ang buhay at kabuhayan, ‘yan ang pangako ng Team Isko, at prangka niyang sinasabi, hindi madali ang haharaping problema, lalo na kung ang virus ng pagkakawatak-watak ay hindi matitigil.

Kaya ang pangarap niya, pagkakaisa, at ang marami ay matutong iwasan muna ang awayan at bangayan ng mga Pilipino.

Kailangan matuto ang mga Pilipino na tumayo, iangat ang balikat sa pagtulong sa kanilang lider na inihalal ng taumbayan, at ang lider, dapat na maunawain sa kritikong ang nais ay pansinin ang mga mali sa palakad; walang perpektong gobyerno.

***

Pangako ni Isko, ibabalik niya, magbabayad siya sa bayan sa tiwala kung ihahalal siya sa 2022.

Matapat, maayos na gobyerno ang ginawa niya sa Maynila; proyektong Tao ang nakikinabang ang nakita ng bayan sa Maynila, at ito, pangako niya, ay gagawin din niya sa buong bansa, bigyan lamang siya ng pagkakataon.

Maalab na pagmamahal sa bansa ang pangako niya: Atin ang Pilipinas, ito ang bayang ipinaglaban ng dugo, ng buhay ng mga naunang bayani ng bansa.

Bawat Pilipino ay bayani, kung matututong magsakripisyo, kung matututong makipagkaisa, kung matututong tumayo sa pagbabagong iniaalok niya, sabi ni Yorme Isko.

Ang hamon niya: Samahan nyo ako, ating ihalal ang lider na tatanggap ng hamong  mapagkaisa ang Tao, ang pamilyang Pilipino.

Sasamahan siya, naniniwala si Yorme Isko, bayani ang bawat Pilipino na maghahalal ng Lingkod ng Tao sa Mayo 2022.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment