‘Bayanihan,’ “susi” sa ating pagbangon

PARA kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, mas mabilis na makakabangon ang mga nasalanta ng bagyo kung lahat ay mag-babayanihan – kasama ang mga nasa rural, siyudad, mahirap man o mayaman, mula sa Luzon Visayas, Mindanao, malalaking korporasyon o maliliit na sari-sari store.

Lahat ng Pilipino ay maaring makatulong at maging “bayani” sa panahon ng kalamidad.

Hindi natin kailangan magkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Kahit mga kabataan, magulang, guro, o miyembro ng simbahan ay maaring mag-organisa para magbigay ng tulong maliit or malaki man ito.

Halos isang buwan pagkatapos na bumababa sa pwesto si Cong. Alan bilang lider ng Kamara, nakita nating puspusan ang pagtulong ng kinatawan ng Taguig-Pateros sa mga nasalanta ng bagyo.

Pagkatapos ng ‘Typhoon Rolly,’ bumisita siya at kanyang maybahay na si Rep. Lani Cayetano sa Tiwi at Daraga, Albay at Buhi, Camarines Sur, para magdala ng tulong sa mga tricycle drivers, tourist guides at nagtitindang nawalan ng trabaho at daan daang pamilya na tinamaan ng bagyo.

Pagkatapos ng pananalanta ng Bagyong Ulysses, dumayo naman ang grupo ni Cayetano sa Rodriguez at Cainta, Rizal, at Marilao, Bocaue, Hagonoy,Paombong, Bulacan.

Sa loob lamang ng dalawang linggo, halos limang libong pamilya at anim na libong indibidwal mula sa iba’t ibang sektor na naging biktima ng nakaraang mga bagyo ang natulungan ni Cayetano. Personal niyang binisita at kinausap ang mga biktima ng kalamidad at iniabot ang mga donasyong nakalap.

***

Mayroong binuo ang Malacanang na inter-agency task force na tinawag ng “Build Back Better Task Force” para tutukan ang programa ng gobyerno para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Suportado ni Cayetano ang pagtatag ng ganitong task force dahil naniniwala siyang hindi dapat natatapos sa pagbibigay ng relief goods lamang ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Sa katunayan, noong taong 2013, isa siya sa unang nagfile ng bill para itatag ang Emergency Response Department na tututok sa disaster preparedness, relief operation, humanitarian assistance hanggang sa community rehabilitation.

Hindi na bago kay Cayetano ang pag-oorganisa ng malawakang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Ginagawa rin niya yon noong Senador siya.

At habang siya ang nakaupong Speaker, noong kasagsagan ng Covid-19 at lockdown noong Mayo, hinimok ni Cayetano ang kanyang mga kasamahang kongresista para magbigay ng kanilang mga suweldo para tumulong sa mga lugar at mga sektor na lubos na naapektuhan ng COVID-19.

Kahit hindi na siya Speaker ay hindi pa rin tumigil si Cayetano sa pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad.

Bukod sa mga relief goods na ipinamahagi, nagpahayag din niya ang mensahe ng pag-asa at kahalagahan ng pagdadasal para maging matatag ang mga biktima sa mga pagsubok.

Sa kanyang pakikipag-usap sa punong-bayan ng Marilao Bulacan, halimbawa, pinaabot ni Mayor Ricky Silvestre kay Cayetano ang mga ginagagawa ng lokal na pamahalaan upang linisin ang Ilog ng Marilao.

Ngunit hindi kakayanin ng kanilang sariling pondo para magpatayo ng mga riverwall para pigilan ang malakihang pagbaha.

Sa pamamagitan ng kanyang social media, nanawagan si Cayetano ng tulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ibang mambabatas ng tulungan makapagpatayo ng river wall sa Ilog ng Marilao para magkaroon ng mas epektibong solusyon sa problema ng pag-apaw ng ilog.

Umapila din si Cayetano sa kanyang mga kasamang kongresista at sa Senado na mas bigyan ng prayoridad sa badyet ang mga pangangailangan ng mga ahensiyang direktang nagbibigay ng serbisyo sa panahon ng kalamidad at emergency tulad ng Department of Social Welfare and Development, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Department of Health.

“Bayanihan” ang mas mabisang paraan para makabangon sa anumang krisis gaya ng COVID-19 at kalamidad.

Bilang isang bansa, tayo ay nasa iisang bangka na tumatawid sa dagat na may malakas alon.

Comments (0)
Add Comment