‘BBAU,’ malaking tulong sa mga OFW

ISANG bagong unit ang itatatag ng Bureau of Customs (BOC) para i-monitor ang mabilis na paglabas at pag-deliver ng “balikbayan boxes” sa mga consignee sa buong bansa.

Ito ang “Balikbayan Box Assistance Unit” (BBAU) na siya ring magsisilbing primary communication center ng mga consignee, ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon  Ruiz.

Sinabi ni Ruiz na ang paglikha ng BBAU ay naglalayong tulungan ang ating overseas Filipino workers (OFWs) na madalas magpadala ng kung anu-anong bagay sa mga mahal nila sa buhay dito sa atin.

Simula ngayong Setyembre, ang unang “ber month,” ay inaasahang magsisimula na ang pagdagsa ng “balikbayan boxes” na naglalaman ng “Christmas Gifts” mula sa migrant workers.

Sa ating bansa, na may pinaka-mahabang “Christmas Season” sa buong mundo, ay magsisimula ang masayang “Holiday Season” sa buwan nga ng Setyembre.

Kamakailan ay inutos din ni Ruiz ang pag-expedite sa paglabas ng “balikbayan boxes” na inabandona ng CMG International Movers and Cargo Services at Cargoflex Haulers Corporation.

Iniutos niya ang agarang release ng mga nasabing balikbayan box pagkatapos ng kanyang meeting sa mga opisyal ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP).

Sa meeting ay pinag-usapan ang mga pamamaraan upang magpapabilis ng release at delivery ng balikbayan boxes.

Tama lang ang ginagawang pagtulong ng gobyerno sa mga OFW na kung tawagin ay “modern-day heroes” dahil sa malaking tulong nila sa paglago ng ating lokal na ekonomiya.

Salamat po, Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na isa ring matinik na “illegal drug buster.”

***

Isang “assessment summit” ang ginanap kamakailan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) na pinamumunuan ni District Collector Carmelita Singson Manahan-Talusan.

Si Collector Talusan, na mas kilala sa tawag na “Ma’am Mimel,” ay anak ni dating BOC Deputy Commissioner Julie S. Manahan na kapatid ni dating Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson.

Sa summit ay pinag-usapan kung paano ma-enhance ang trade facilitation at lalong mapaganda ang revenue collection sa premier international airport ng Pilipinas.

“The discussions centered on improving the processing of entries and collection of correct duties and taxes,” ayonsa inilabas na pahayag ng NAIA.

Maliban kay Collector Talusan at customs and trade consultant Alex M. Gaticales, dumalo rin sa summit ang mga assessment unit chief at opisyal ng mga warehouses at sub-port.

Matatandaan na sa unang State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos ay nanawagan siya sa mga ahensiya ng gobyerno “to embrace digitalization.”

Kaya nga sinabi pa ni Collector Talusan sa summit na tuloy-tuloy ang modernization program ng BOC-NAIA.

Ang modernization program ay naglalayong mapaganda ang koleksiyon ng duties at taxes sa Ninoy Aquino International Airport, dagdag pa ni Collector Mimel.

Talagang importante na mapabilis ang full computerization sa mga opisina at ahensiya ng gobyerno, nasyonal man o lokal, sa buong Pilipinas.

Hindi ba, Pangulong Marcos at Bise Presidente Sara Z. Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education?

***

Dapat bilisan na ang pagbalangkas ng batas na nagpapaliban sa nakatakdang barangay at youth elections sa Disyembre 5, 2022.

Noong Martes, Agosto 16, ay inaprobahan ng makapangyarihang House committee on suffrage, ang pagpapaliban sa dalawang eleksiyon sa susunod na taon, Disyembre 4, 2023.

Ang ibig sabihin nito ay may isang taon na extension ang term of office ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa buong bansa.

Mabuti naman at hindi muna matutuloy ang dalawang eleksiyon dahil wala ng ginawa ang mga kakandidato kundi mangampanya na lang ng mangampanya.

Naniniwala tayo na tuluyan ng mananahimik ang mga kakandidato at kanilang mga maiingay na lider at taga-sunod.

Tumigil na kayo dahil inis na ang inyong mga kamag-anak, kaibigan at kabaranggay.

Talo pa ninyo ang ingay ng mga palaka sa bukid kapag malakas ang ulan.

Tuwang-tuwa din ang mga opisyal ng siyudad at bayan dahil walang dahilan ang mga kakandidato na humingi ng campaign fund kahit—non-partisan ang barangay at SK elections.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:

tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment