BAGAMAN sandamakmak na ang mga problemang dapat unahin ni PBBM, hindi naman siguro kalabisan– bagkus ay sadyang kailangan—na busisiin niya ang mga nangyayari ngayon sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Dangan kasi, ang LBP ang pangunahing bangko ng gobyerno na “nakatutok” sa pagpapautang at pag-aalay sa sektor ng agrikultura, partikular sa ating mga magsasaka at mangingisda. Samantala, si PBBM ang mismong kalihim ngayon ng Department of Agriculture (DA).
Alam kaya ni PBBM at finance secretary Ben Diokno, bilang LBP chairman, na may “binubuno” palang kaso ng katiwalian sa Ombudsman ang ilang matataas na opisyal nito? Ayon sa impormasyon, mismong LBP ang nagsampa ng reklamo, kung totoo, eh, di “good,” hehe!
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang negosyante na ‘local franchisee’ ng isang sikat na US brand apparel.
Ang “suma total,” nito, dear readers? Eh, mayroon palang mga ‘fixer’ d’yan sa loob ng LBP—mga dayuhan pang ‘Bumbay’—na kasabwat ng mga kinasuhang opisyal na bumibiktima sa mga gustong mangutang sa LBP, sanamagan!
At mabuti naman, ang unang nilapitan ng biktima na nagsampa ng reklamo sa OMB ay itong ating “kapatid” na si ex-ACT-CIS partylist representative at ngayon ay DSWD undersecretary, Niña Taduran, kaya siguradong hindi “mababalahura” ang isyu.
Sa katunayan, bago bumaba bilang mambabatas, noong Marso 30, 2022, nag-file si
Rep. Taduran ng House Resolution 2453 upang maimbestigahan sana ang kalokohang ito.
Ayon sa biktimang si ‘Mr. Ching,’ dakong 2017, nang “kapusin” sa pondo ang kanyang kumpanya, “nakumbinsi” siya nitong mga Bumbay na sina ‘Ravin M’ at Rajiv C’ na mangutang ng P50 milyon sa LBP, payable in 6 months, at sila na ang “bahala.”
Translation? Mga ‘fixer’ pala ang mga damuho, hehehe!
At dahil fixer nga, ang hirit na kapalit sa kanilang serbisyo ay “10 percent.” Anlufet, parang ‘5-6’ ah, hehehe!
Dahil “kapit sa patalim” (kesa magsara ang negosyo), pumayag na rin ang biktima pero nagulat na sa halip na P45 milyon (bawas na ang 10 percent), P26 milyon lang ang kanyang natanggap, aguy!
Ang paliwanag sa kanya, may ‘holdout amount’ daw na P15 milyon (26 percent) habang “pinag-aaralan” pa ng LBP kung paano siya makakabayad, aray!
Sa dakong huli pala, Ang estilo pala nitong ‘mafia’ sa LBP, “iipitin” ‘yung balance nang utang mo para muli kang mangutang na may mas mabigat nang kapalit— mga real estate properties.
Sa kaso ni Mr. Ching, napilitan siyang “magprenda” ng ari-arian bilang kolateral para sa panibagong utang na P50 milyon—para naman makuha lang niya ang “inipit” na P15 milyon sa orihinal niyang utang.
Ang masakit dito, BSP governor Armando Tetangco at OMB Samuel Martinez, muling may “komisyon” sa bagong utang ang ‘mafia’ sa LBP, kasama na itong dalawang Bumbay, Sobrang “lufet” ninyo, mga bosing!
Sa nangyari namang eskandalo dahil nga sa reklamo nitong si Mr. Ching, alam mo ba, PBBM, na HINDI isinama sa charge sheet ng LBP itong dalawang Bumbay na sina Ravin M at Rajiv C?
Eh, bakit kaya? Gusto lang bang “limitahan” (contain) ng mga LBP investigators ang isyu sa loob ng bakuran nito?
O dahil puwede pang “gamitin” sa pangloloko ng iba pang mafia d’yan sa LBP itong dalawang “utak” sa raket na ito? Ano sa tingin ninyo, dear readers?
Oops! Hindi pa tapos ang kuwento mga kabayan.
Nitong buwan ng Agosto, isa umanong “sulat” mula sa isang dating empleyado sa LBP ang natanggap (daw) ni Mr. Ching kung saan ibinisto na hindi lang ang kanyang kumpanya, bagkus, mayroon pang 11 kumpanya ang lumalabas na biktima rin nitong ‘BBPM’ (Bumbay-Pinoy Mafia) sa LBP, wahhh!
At sa kuwenta, bilyones na ang pinag-uusapan, aguy, aguy!
Aber, kung ganyan nga ang nangyayari, eh, ano kaya ang gagawin dito ni PBBM?
Aksyon na agad, Mr. President! Kesa naman mga kaaway pa ng gobyerno, partikular na ang CPP-NPA na nagyayabang na “sila” ang “protektor” ng masang anakpawis, ang “umepal,” dyan sa eskandalong ‘yan.
Mas malaking problema!
Abangan!