Biden: Maghinay-hinay sa Tsina

HABANG ang Tsina at ang liderato nito ay naka-pokus patungo sa “multi-polar world” sa pagtulong sa mga bansa ng ASEAN sa pamamagitan ng malahiganteng RCEP (Regional Comprehensive Economic Partnership) na binubuo ng 30 porsiyento ng ekonomiya at populasyon ng buong mundo sa iisang grupo upang pasiglahin ang kanilang mga negosyo at kalakalan, ang Estados Unidos naman ay dumadaan sa transisyon ng matinding paghihirap.

Marami na nga ang mga haka-haka kung ano ang magiging polisiya ng administrasyong Joe Biden pagdating sa relasyon nito sa Tsina.

Ito ay kasunod ng pahayag ni dating US state secretary Henry Kissinger kay Biden na “go easy on China.”

Sinabi rin niya na ang demokrasya ay kailangan ng kooperasyon; sa aking palagay, hindi dapat magkaroon ng koalisyon na nakatutok sa partikular na bansa, ngunit ang koalisyon laban sa ano panganib na apektado lahat ay karapat-dapat kapag hiningi ng pagkakataon.

***

Bumuo ng ‘anti-China Quad’ ang paalis na ‘Trump-Pompeo tandem’ kasama ang Australia, Japan at India at hinikayat ang ASEAN upang suportahan ito. Ginamit pa ng mga Kano ang pandemya ng COVID-19 sa pagtawag dito na “China Virus” at “Kung Flu,” subalit hindi ito nagtagumpay.

Nag “tengang-kawali” lang ang ASEAN at hindi naman ito gusto ng India.

Para kay Indian PM Narendra Modi, ang Indo-Pacific ay hindi “club” na may limitadong miyembro at nakatuon laban sa isang bansa.

Para naman kay Japan PM Yoshihide Suga, hindi sila interesado sa isang “Asian NATO.”

Para naman sa Australia, wala silang kakampihan  at pinupuri niya ang Tsina sa pagsugpo sa kahirapan at pagreporma sa WTO.

Mas mabuti pa na ibaon na sa hukay ni Biden lahat ng propaganda laban sa China ng nakaraang administrasyon upang matamo ang katahimikan at kapayapaan sa rehiyon.

Samantala, makikita at mararamdaman ang Tsina sa lahat ng dako at aspeto ng buong mundo, lalo na sa larangan ng pagbangon ng mga ekonomiya mula sa pandemya.

Tsina ang tanging bansa na may inisyatiba dahil kung walang Tsina, matatagalan pa ang pagbabalik muli sa normal ang buhay ng sangkatauhan.

Tsina rin ang nangunguna sa paggawa ng bakuna laban sa COVID-19 at sa pag-aalok nito sa murang halaga para sa ikabubuti ng nakararami.

Malaki at malawak na ang naging papel ng Tsina sa larangan ng ekonomiya ng buong mundo ngunit tila hindi ito maayos na naibabalita.

Matagal na ang Tsina ay may ambag sa 30 porsyento sa paglago ng ekonomiyang global.

Simula pa noong pagbagsak ng mga ekonomiya noong 2008 hanggang ngayong panahon ng pandemya – may Tsinang naaasahan at maaasahan pa ang mundo.

***
Sa dakong huli nalagpasan ng Tsina ang 4 na taon ni Trump na walang ginawa kungdi siraan ito at ang liderato ng Tsina.

Ang problema ngayon ni Biden ay ang pagbawi sa mga ginawa ni Trump na anti-China na hindi mapapahiya sa kanyang nasasakupan.

Pagkatapos ng lahat, ang sangkatauhan at ang hinuhubog nitong bagong yugto ng kasaysayan ay patungo sa bagong mga liderato dahil sa mga bagong mukha. Tapos na ang pagiging dominante ng iisang bansa, ang Estados Unidos.

Tayo ay babangon muli at gagawa ng bagong yugto ng kasaysayan kaya para kay Biden, maghinay-hinay ka sa Tsina at maging mahinahon ka sa pagtahak ng bagong landas para sa Estados Unidos.

(Join: “Power Thinks” with Ka Mentong Laurel and guests: Every Wednesday 6pm Live on Global Talk News Radio (GTNR) on Facebook and Talk News TV on YouTube; and Every Sunday 8 to 10am on RP1 738 on your AM radio dial.)

Comments (0)
Add Comment