Bigatan pa ang parusa sa mga drug offenders

ISA na namang claimant ng isang parcel na  naglalaman ng shabu ang hinuli ng government operatives sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Marso 23.

Ang mga miembro ng  operatiba ay kinabibilangan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.

Bago nito ay idinaan muna ng BOC-NAIA sa x-ray screening ang nasabing parcel na galing ng New Delhi, India.

Naglalaman daw ito ng “Universal Engine.”

Ang parcel ay minarkahan ng inspektor ng X-ray Inspection Project (XIP) ng “X” dahil nakitaan ito ng “irregular and suspicious x-ray images.”

Dito na nga nagsagawa ng “thorough physical examination” ang customs  examiner sa harapan ng mga representante ng  XIP, CAIDTF, CIIS, ESS at PDEA.

May nakitang apat na pakete ng white crystalline substances na nababalot ng blue carbon paper at tape at nakapaloob sa isang cylindrical aluminum receptacle labeled as “Universal Engine.”

Sa isang field test na isinagawa ng mga taga-CAIDTF at PDEA ay nakumpirmang ang “white crystalline substances” ay shabu.

Ang shabu na tumitimbang ng 514 grams, ay may streeet value na P3.4 milyon, ayon sa report ng BOC.

Dahil sa sunod-sunod na pagkatimbog ng illegal drugs sa mga parcel galing sa labas ng bansa ay may mga nananawagan sa Kongreso na bigatan pa ang parusa sa drug offenders.

Lalo na ang mga gumagamit sa koreo para magparating ng mga kontrabando.

Hindi biro ang gastos ng gobyerno  para lang eksamining mabuti ang mga dumarating na kargamento upang masigurong wala itong laman na prohibited goods.

Gumagamit ang mga taga-BOC ng state-of-the-art x-ray machines at K-9 sniffing dogs. Mahirap at magastos alagaan ang mga turuang asong ito.

Kaya dapat lang na bigatan ng Kongreso  ang parusa sa mga mapapatunayang  gumagamit sa koreo para magparating ng mga kontrabando, kagaya ng shabu.

Puwede ba ‘yon, BOC Chief Bienvenido Y. Rubio?

***

Talaga namang nakalulungkot ang balitang mahigit isang daang high school students sa Cabuyao City, Laguna ang dinala sa ospital dahil hindi nakayanan ang init araw.

Ang mga biktima ay kasama sa halos 3,000 estudyante na kalahok sa fire drill na isinagawa ng Gulod National High School-Mamatid Extension sa nasabing syudad.

Nagsimulang magtipon-tipon ang mga estudyante ng dakong alas-12:30 ng tanghali at nagtungo sa open field ng alas-2 ng hapon para simulan ang fire drill.

Ang iba daw ay pumasok sa mga silid-aralan. Dito na raw nagsimulang  mahilo ang mga bata, kaya kaagad isinugod sa ospital ang mga hinimatay na estudyante.

Sana maging eye-opener ang nangyari sa Cabuyao City sa mga opisinang nagsasagawa ng fire drill sa buong bansa.

Maganda ang intensyon ng pagsasagawa ng  fire at earthquake drills dahil malaking tulong ito para maiwasan ang aksidente kapag may mga ganitong disaster.

Ang kailangan lang ay magandang koordinasyon sa ibang ahensya ng gobyerno para mapangalagaan ang health at safety ng mga kalahok sa fire at earthquake drill.

***

Kawawa ang mga magsasaka kapag nagkakasabay ang anihan ng mangga, kamatis, mais at iba pang perishable agricultural products.

Madalas ay sobra ang baba ng presyo kaya napipilitan na lang itapon ng mga magsasaka ang kanilang ani dahil gagastos pa sila kapag dinala sa bayan ang kanilang produkto.

Mahal ang bayad sa mga jeep o bus na maghahatid sa bayan ng kanilang mga ani. Mas malaki pa ang transport cost kaysa sa mapagbibilhan ng kanilang produkto.

Kaya ang panawagan nila sa mga kinaukulan ay bilisan ang pagpapatayo ng cold storage facilities sa iba’t ibang  parte ng bansa para may magamit silang imbakan ng kanilang mga produkto.

Kung sobra-sobra ang ani ay puwede nilang dalhin muna sa isang cold storage facility and kanilang ani para maghintay ng maganda-gandang panahon.

Kung walang cold storage facility ay talagang kawawa ang ating mga magsasaka.

(Para sa inyong komento o suhestiyon, tumawag o mag-text #0917-8624484 email: tingnan natin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment