Bigyan ng ayuda mga tinamaan ng Covid-19 sa BOC

Lingid sa kaalaman ng publiko, patuloy ang paglilinis ng Bureau of Customs (BoC)sa hanay ng mga importer at broker.

Ito ay bahagi sa programa ni BoC  Chief Rey Leonardo Guerrero na lalong mapabuti ang serbisyo ng gobyerno sa Aduana.

Huwag natin kalimutan na ang Aduana ay kilalang “snake-infested.”

Ang mga pantalan kasi ay pinamumugaran ng ibat-ibang mandurugas na kinabibilangan ng mga tiwaling lingkod-bayan, importador, broker, consignee at iba pang port user.

Kaya nga noong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang Luzon ay tinanggalan ng BoC ng accreditation ang 182 non-compliant importers.

Pero ang BoC-Accounts Management Office (AMO) ay inexpedite naman ang accreditation ng 1,126 na importers at 209 na customs brokers.

Ang AMO ay nasa ilalim ng BoC-Intelligence Group (IG), na pinamumunuan ni Deputy Commissioner Raniel Ramiro.

Pina-alalahanan din ng BoC ang mga waterfront stakeholders na sumunod sa batas, rules and regulations ng ahensiya.

Ito ay para makaiwas sa mga penalty at inconvenience.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte ay sinisikap ng BoC na mapadali ang transaksyon sa Aduana.
Ito ay tulong sa mga port users, lalo na sa mga importer at customs broker.

Kung wala sila  ay walang perang papasok sa kaban ng BoC bilang buwis at bayad sa serbisyo.
Pero kailangan din namang linisin ang hanay ng  mga port user na ito.

May mga importer at broker kasi na gumagamit ng “fictitious consignees” at nakikipagsabwatan sa mga tiwaling taga-BoC.

Hindi ba, Commissioner Guerrero? 
***
Marami sa frontliners na kagaya ng mga doktor, nars, pulis, sundalo ang tinamaan ng covid-19.

Pati ilang kawani ng Bureau of Customs ay nahawa na rin ng nakakamatay na sakit.

Ayon sa rekord, mayroon ng 45 na taga-BoC ang nag-positibo sa Covid-19.

Mula Abril ay naka-pagtest na ng 1,264 na empleyado ang BoC Medical and Dental Divisions.

Ito ay ayon kay BoC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, na tagapagasalita rin ng ahensiya.

Ang 45 na nagpositibo sa Corona virus ay nagpakita ng sintomas nang sila’y sumailalim sa pagsusuri.

Isa ang namatay pero mayroon na itong sakit  bago pa man nagsimula ang Covid-19 pandemic.
Ayon pa kay Maronilla, hindi sila nagkulang ng paalala sa mga opisyal at kawani ng BoC na laging gumamit ng face mask at sumunod sa social distancing protocol.

Regular din na dine-disinfect ang mga opisina sa Aduana.

Nagpapatupad din ng flexible working arrangements para sa mga BoC frontliners.
Kailangang bigyan rin ng ayuda ng pamahalaan ang mga tinamaan ng Covid 19 na mga taga-BoC.
Katulad ng iba pang frontliners, sila ay nagseserbisyo sa publiko kaya sila nahawa.
***
Hanggang hindi bumabalik ang sapat na pampublikong sasakyan ay maraming kumpanya ang mananatiling sarado.

Sa katunayan, umaaray ang ilang nagbukas ng negosyo dahil wala namang kustomer.
Ang dahilan, wala daw masakyan ang mga tao.

Ang mga tricycle driver naman  ay grabe kung maningil.

Talagang mahirap balansihin ang interest ng negosyo at kalusugan ng taumbayan.

Ang dapat ay disiplina at pagmamalasakit sa kapwa habang walang bakuna laban sa Covid-19.

Kung hindi ay baka lalong dumami ang magkasakit ng salot na virus. 

Hindi na tayo kailangang bantayan ng mga otoridad.

Tayo na mismo ang magdisiplina sa ating mga sarili.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )

Comments (0)
Add Comment