Bilyones ang ‘surplus’ collection ng BOC

KAHANGA-HANGA ang Bureau of Customs (BoC). Aber, sa tatlong magkakasunod na buwan, Enero hanggang Marso, muling nalampasan nito ang target collection nito at nakapagtala pa ng P8.489-bilyon ‘collection surplus!’

Batay sa paunang tala noong Marso 2024, kumolekta ang Customs ng P75.429-B, “sobra” pa ng P2.519-B sa iniatas ng ating mga ‘fiscal managers’ na P72.910-B.

Sa ulat kay BoC Commissioner Bienvenido Rubio, nabatid na mula Enero hanggang Marso 31, 2024, nalampasan ang revenue target ng 4.03 porsiyento, sa pagkolekta ng P219.385-B kontra sa inaasahang koleksiyon na P210.896 bilyon.

Katumbas ito ng surplus na P8.489-B, mga giliw na mambabasa!

Bunga ng mataas na koleksiyon, sinabi sa ulat na patotoo ito sa mahigpit na pagsunod ng mga opisyal at tauhan ng Aduana sa mga tuntunin at reporma na gustong mangyari ni Comm. Rubio.

Matutukoy ang malakas na koleksiyon ng buwis sa mataas na assessment at pinalakas na sistema sa pagtutuos sa halaga ng mga inangkat na paninda (goods valuation).

Ayon pa sa ulat, tumaas ng 2.6 porsiyento o katumbas ng P5.557-B ang sumobrang koleksiyon sa loob ng tatlong buwan, kumpara sa nakolektang P213.829-B sa katulad na mga buwan noong 2023.

Tinukoy ang mahigpit na monitoring at mahigpit na tuntunin sa pagsingil sa mga di-nakolektang buwis mula sa mga importansyon ng mga ahensiya ng gobyerno.

Nakatulong nang malaki sa koleksiyon ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas ng Aduana at pagpataw ng tamang buwis sa mga importer.

Nakatulong din ang sistema ng koleksiyon at ang paggamit ng digital payment bunga ng nilagdaang memorandum of agreement (MOA) ng Landbank of the Philippines at ng BOC.

Sa panayam ng media, pinasalamatan ni Comm. Rubio ang mataas na moral at dedikasyon ng mga opisyal at tauhan ng BOC na nagpapakita ng nagkakaisang bisig sa mahusay na koleksiyon batay sa direktiba ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Dagdag pa rito, ang masigasig na pagbabantay at  pagsugpo at pagkumpiska sa mga produkto, mga paninda at iba pa na ilegal na naipuslit sa bansa.

Binigyan diin ni Rubio na lalo pang pag-iibayuhin ang pagpapalakas ng koleksiyon ng kawanihan dahil ito, aniya ay ang “lifeline” o pagdugtong buhay sa pagpopondo ng maraming proyekto ng gobyerno sa edukasyon, kalusugan, pagtatayo ng impraestruktura at iba pa sa layuning mabigyang luwag at ginhawa ang mamamayang Pilipino.

“Every peso collected is a testament to our commitment to serving the Filipino people and building a brighter future for our nation,” sabi ni Comm. Rubio. Talaga ba?

***

Dala ang Letter of Authority na may petsang Marso 20, 2024, magkatuwang na sinalakay at binusisi ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at ng Bureau of Customs Intelligence and Investigation Services (BoC-CIIS) at Enforcement Security Service (ESS) ng Manila International Container Port (MICP), kasama ang mga opisyal ng barangay ang ilang bodega sa Caloocan at Bulacan.

Ayon kay MICP District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan, naglalaman ang mga bodega ng mga pekeng branded na panindang underwear, medyas, mga gamit sa kusina, mga laruan, at iba-ibang uri ng cosmetics na sa halaggang Php 7.3 bilyon.

Sumaksi sa inspeksiyon ang mga kinatawan ng bodega.

Sa matagumpay na operasyon, inihayag ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na patuloy ang kawanihan sa matibay na komitment na sugpuin ang pagpasok sa bansa ng mga peke at ipinuslit na kargamento.

Aniya, sa pagtutulungan ng mga law enforcement agencies, matutunton ang mga kontrabandista at mapahihinto ang pagkalat ng pekeng paninda sa mga merkado.

Sinabi naman ni Coll. Mimel Talusan na patuloy ang ginagawa nilang pagtupad sa mga inilatag na reporma ni Comm. Rubio laban sa mga ismagler at kasama rito ang mahusay na koleksiyon ng buwis para sa gobyerno.

To the brave men and women of BoC, keep up the good work po, Mabuhay po kayo!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).