BoC Chief Yogi Filemon Ruiz, buo ang suporta ng Malakanyang

ANG “limang marching orders” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay isa ring babala sa mga mandurugas diyan sa Aduana.

Nangangahulugan lang na alam ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang mga kalokohang nangyayari sa ating mga pantalan at sa loob mismo ng Bureau of Customs (BOC).

Dahil nga inaasahan ng Malakanyang na magkakaroon ng resulta ang mga order ni PBBM, dapat mag-isip-isip na ang mga taong sangkot sa mga katarantanduhan sa Aduana.

Hinding-hindi rin papayag si Commissioner Ruiz na wala siyang maipakitang magandang resulta kay Pangulong Marcos.

Kailangang magpakitang gilas siya hindi lang sa pangongolekta ng buwis at taripa kundi sa paglaban sa tinatawag na agricultural smuggling na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Maliwanag na galit ang bagong Chief Executive sa mga ismagler ng mga produktong agrikultura.

Alam ni Apo Presidente na ang naaapektuhan nito ay buong bansa. Huwag natin kalimutan na ang mga magsasaka at mangingisda, “they comprise the bulk of the nation’s population.”

Kawawa naman ang mga magsasaka at mangingisda kung patuloy ang pamamayagpag ng mga ismagler na nabubundat sa laki ng kinikita nila sa iligal nilang negosyo.

Marami ang naniniwala, kasama na ang inyong lingkod, na kayang-kayang gampanan ni Commissioner Ruiz, na isang dating matinik na “drug buster” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang kanyang misyon.

Matatandaan na bago pumasok sa BOC si Sir Yogi, siya ang regional director ng PDEA sa Central Visayas.

Ang ibig sabihin nito ay handang-handa niyang harapin ang mga kilabot na sindikato sa pantalan. Kung tutuusin, mas matitindi ang mga illegal drug syndicate na binulabog ni Ruiz.

Kaya mag-ingat-ingat na ang mga naghari-harian sa Aduana dahil hindi sila uurungan ni Commissioner Ruiz.

Lalo pa nga at alam ni Commissioner Ruiz na nasa likod niya ang Malakanyang at ang sambayanang Pilipino.

Kailangan lang talaga ni Sir Yogi ang suporta at unawa ng taumbayan para siya magtagumpay sa kanyang misyon na gawing “world-class” ang customs service sa Pilipinas.

Banat na Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz!

***

Akala siguro ng mga ismagler ng mga iligal na droga na nasa labas ng Metro Manila na kaya nilang palusutan ang mga taga-Bureau of Customs (BOC).

Ang hindi nila alam ay highly-trained ang lahat ng mga tauhan ng BOC. Hindi ka puwedeng isalang sa isang gawain na hindi ka dumadaan sa matinding training.

Kahit ang mga naka-assigned sa mga probinsiya ay mga bihasa sa kani-kanilang trabaho.

Kaya nga hindi nakapagtataka ang pagkakatuklas ng 129 capsules of cocaine galing sa Toronto, Canada na nakalagay sa isang shipment sa BOC-Port of Clark sa Pampanga.

Natuklasan ito pagkatapos ng masusing profiling na ginawa ng isang customs examiner.

Nang idaan sa physical examination ang shipment ay natuklasang naglalaman ito ng 129 capsules “of white powdery substance suspected to be illegal drugs.”

Nagsagawa rin ang PDEA ng K-9 sniffing na nagresulta ng “positive indications of the presence of illegal drugs.”

Ang mga nakatulong ng BOC-Clark sa anti-drug operation ay kinabibilangan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), ESS. CIIS, X-Ray Inspection Project at PDEA.

Congrats sa inyong lahat!

***

Wala tayong kalaban-laban kapag kalikasan na nag-aalburoto.

Napatunayan na naman ito nang tumama ang magnitude 7.0 na lindol sa Abra at iba pang lugar sa Northern Luzon, kasama na ang heavily-populated na Metro Manila.

Maliban sa mga namatay at nasugatan, maraming historical buildings at istraktura ang bumagsak o nasira dahil sa lakas ng lindol na yumanig sa maraming parte ng Luzon.

Nagkabitak-bitak ang mga kalsada at tulay. Bilyung-bilyong piso na naman ang kailangan para maayos ang mga ito.

Hindi pa tayo nakakabangon dahil sa pinsalang dulot ng dalawang taong pandemya, pero nandiyan na naman ang lindol, dengue at pagsipa muli ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Ang tanging magagawa natin ay paghandaan ang pagdating ng mga ganitong natural disaster.

Ibang kalaban kapag ang nagagalit ay ang Inang Kalikasan.

Kaya dapat pangalagaan natin ang ating “beleaguered environment” na nasisira na dahil sa ating addiction sa fossil fuels.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0917-8724484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

 

Comments (0)
Add Comment